MALALAKAS NA PAG-ULAN POSIBLENG MAGPATULOY HANGGANG LUNES SA METRO MANILA, KARATIG LUGAR

NAGBABALA ang Office of Civil Defense (OCD) na posibleng magpatuloy hanggang Lunes, Agosto 31, 2026, ang malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan ng Luzon.

Kaugnay ito ng patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at ng binabantayang Low Pressure Area (LPA 08i), na maaaring magdulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa kanluran at hilagang bahagi ng Luzon.

Ayon kay Office of Civil Defense Assistant Secretary Bernardo Rafaelito R. Alejandro IV, maaaring makaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang Zambales, Bataan, Benguet, La Union, Occidental Mindoro, Ilocos Region, Pangasinan at Abra mula Sabado hanggang Agosto 31.

Hindi rin umano ligtas sa mga pag-ulan ang National Capital Region (NCR), Central Luzon at CALABARZON.

Nagbabala ang OCD na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan, partikular sa mga lugar na malapit sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig at sa mga lugar na mataas ang panganib sa landslide.

Patuloy naman ang monitoring ng OCD at koordinasyon nito sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga posibleng epekto ng sama ng panahon.

Inihahanda rin ang mga response assets at resources sa mga posibleng maapektuhang lugar, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), mga uniformed services at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Pinapayuhan ng OCD ang publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, regular na subaybayan ang opisyal na lagay ng panahon at ipagpaliban muna ang mga hindi kinakailangang biyahe.

(JESSE RUIZ)

113

Related posts

Leave a Comment