TINATAYANG umabot na sa walong milyon ang bilang ng mga Pilipinong naapektuhan ng mga nagdaang bagyong Luis, Maymay at Neneng, na nagpalakas sa Southwest Monsoon o Habagat at nagdulot ng malawakang pagbaha sa maraming lugar.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 2.3 milyong pamilya o katumbas ng walong milyong indibidwal mula sa 10 rehiyon ang naapektuhan ng sama ng panahon.
Nasa 25,800 katao naman ang nananatili sa 297 evacuation centers sa buong bansa.
Umakyat na sa 32 ang death toll, kung saan 15 dito ay mula sa Benguet, habang tatlo ang nawawala at 19 ang sugatan.
Samantala, umabot na sa P6.11 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at P2.32 bilyon naman ang danyos sa agrikultura.
May 2,900 kabahayan ang naiulat na nasira, kabilang ang 349 na tuluyang hindi na matitirhan.
Dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha, umabot na sa 117 lugar sa Luzon ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, gayundin ng Habagat, ayon sa NDRRMC.
Kabilang dito ang buong lalawigan ng Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales at Cavite.
Nasa state of calamity din ang Dagupan City, Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem sa Pangasinan; Rodriguez (Montalban) sa Rizal; Nasugbu sa Batangas; at Sablayan, Paluan at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro.
(JESSE RUIZ)
92 