TATLONG malalaking Chinese research vessel ang naispatan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas.
Ayon sa PCG, ang barko ng China na XIANG YANG HONG 10 ay namataan sa layong 195 nautical miles sa baybayin ng Rizal, Palawan.
Ito ay may kakayahan sa deep-sea survey at sumusuporta sa mga unmanned autonomous underwater vehicle (AUV) para sa seafloor mapping at environmental monitoring.
Kasama nito ang ZHUHAI YUN na kapwa idinisenyo para magsaliklik sa karagatan, pagmamapa ng mga ruta ng submarine at smart mines.
Habang ang BEI DIAO 996 ay naispatan sa 185 nautical miles sa baybayin ng Zambales na dalubhasa sa pagsubok ng underwater acoustic sensors at sonar equipment.
Nabantayan ang kanilang pagkilos sa pamamagitan ng Canada’s Dark Vessel Detection Program.
Dahil dito, agad namang ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na pigilan at i-radio-challenge ang tatlong research vessel ng China.
Ang PCG ay nananatiling nakatuon sa pangangalaga sa maritime domain at gagawin ang lahat ng kinakailangang aksyon upang ipatupad ang mga batas at protektahan ang mga pambansang interes.
(JOCELYN DOMENDEN)
211 