NAIS ni Senador Leila de Lima na imbestigahan ng Senado ang iba’t ibang isyu na bumabalot sa Department of Health (DOH) partikular ang mali-maling reporting nito.
Sinabi ni de Lima na dahil sa mga mali-maling datos, nakukuwestyon ang reliability ng ahensya.
Sa kanyang Senate Resolution 443, iginiit ni de Lima na ang tama at up-to-date na datos hinggil sa COVID 19 ang mabisang sandata ng bansa para labanan ang krisis.
Iginiit ng senador na mahigit dalawang buwan na simula nang ideklara ang state of calamity, subalit tila hindi pa rin mailabas ng DOH ang real time data ng mga tinamaan ng virus.
“The DOH and their faulty reporting have contributed to the erosion of public trust in the Philippine government and have pushed us into further disarray as the quarantine level has been downgraded to a more relaxed General Community Quarantine (GCQ) to kickstart the economy in Metro Manila,” diin ni de Lima.
Binigyang-diin ng mambabatas na mahalaga ang bilis at napapanahong mga datos para sa aksyon laban sa virus. (DANG SAMSON-GARCIA)
