PINAG-AAPLAY ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang maliliit na kumpanya ng exemption sa inaprubahang dagdag na sahod.
Ayon sa DOLE, ang mga kumpanya na mayroong 10 empleyado pababa at mga negosyo na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ay maaaring hindi makasama sa mga magtataas ng sahod ng kanilang manggagawa.
Kaugnay ito sa inaprubahang dagdag na P33.00 sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) at P55.00 naman sa Western Visayas.
Nakasaad sa Omnibus Rules on Minimum Wage Determination na ang maliliit na negosyo ay mayroong kaunting empleyado at labis na naapektuhan ng anomang pandemya at kalamidad ay maaaring mag-apply ng exemption ng taas sahod.
Sa 2020 List of Establishment sa bansa ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 88.77% negosyo sa bansa ang micro establishments.
Kaugnay nito, dismayado naman ang grupo ng mga manggagawa sa nasabing direktiba.
Mistulang “pera na magiging bato pa” ang paglalarawan ni Partido ng Manggagawa chairman Renato Magtubo kung hindi lahat ng manggagawa sa NCR at Visayas ang makatatanggap ng umento sa sahod.
Tinututulan ng grupo ng mga employer tulad nina Sergio Ortiz-Luis Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at Frank Carbon, Philippine Chamber of Commerce vice president sa Visayas region ang pagdaragdag ng sahod dahil tatamaan umano ang maliliit na negosyante.
“The wage hikes are not even enough to recover the value lost to inflation for the past three years. Deferring the pay increase and exempting employers will be rubbing salt on the wound,” ani Magtubo.
Sa katunayan aniya, pananakot lamang ang inilulutang na senaryo ng mga employer na maraming negosyo ang mapipilitang magsara o kaya magbabawas ng empleyado kapag hindi inatras ang wage increase.
Ipinaliwanag ng dating mambabatas na P8,580 kada buwan lamang ang idadagdag ng Micro Medium and Small Enterprises (MSMCEs) na may 10 empleyado o katumbas lang ito ng 0.3% sa kanilang P3 million assets.
“A wage hike will create a virtuous cycle in the economy. Capitalists simply do not want to share the profit they have accumulated through the decade and a half of sustained economic growth,” ayon pa kay Magtubo. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
