MALINAW NA CONTINGENCY PLAN HILING NG OFWs SA MIDDLE EAST

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

SUNOD-SUNOD ang panawagan para sa OFW repatriation ng ilang elected officials na gustong sumakay sa issue ng mga OFW sa Middle East kasunod ng giyera sa pagitan ng Israel, US at Iran.

Base sa aking karanasan bilang dating OFW sa Kuwait, simula 1993 hanggang 2017, ay hindi agarang repatriation ang gusto ng mga OFW sa ganitong sitwasyon, kundi ang isang malinaw na contingency plan o exit plan lamang.

Ang gusto nila ay ipaalam sa kanila kung ano ang mga plano o hakbang na nakahanda sakaling lumala ang sitwasyon at kailanganin ang paglikas.

Dapat ipaalam ng ating embahada ang kanilang inihandang contingency plan para sa kaalaman ng mga OFW.

Naalala ko noong OFW pa ako sa Kuwait at may banta ng muling pagsiklab ng giyera sa pagitan ng Iraq at Kuwait. Ang ginawa ng mga opisyal ng embahada ay nagpatawag agad ng selected FILCOM Leaders at inalam ang suggestions ng mga leader.

Kabilang sa na-consider na isama sa contingency plan ay ang aking suggestions na dapat:

1. Alamin ang BUS COMPANIES na may mga Pinoy drivers upang masiguro na may pagsasakyan ang mga Pinoy sa pagtakas.

2. Mag-identify ng PICK-UP POINTS sa mga lugar na maraming Pinoy at ang aking naging suggestion ay sa harap ng mga cooperatives society (Supermarkets) para madaling makita at may chance na makapagdala ng mga pagkain.

3. Mag-organisa ng FIRST AID Team na kinabibilangan ng Nurses Association. Pagsama-samahin ang mga KITCHEN team na binubuo ng mga Pinoy chef sa restaurant para masiguro ang tuloy-tuloy na supply ng lutong pagkain.

4. Mag-identify ng grupo o samahan na in-charge para sa pagdadala ng DRINKING WATER.

Samantala, ang Philippine Embassy naman ay nagtungo sa mga lugar na malapit sa boundaries ng Saudi at naghanap ng lugar na maaaring gamiting Emergency Camp Site.

Dahil sa malinaw na plano na ipinaalam sa FILCOM leaders ay hindi nagkaroon ng kaba ang mga OFW dahil alam namin kung saan kami pupunta sakaling kailanganin lumabas ng Kuwait.

HINDI sa lahat ng oras ay repatriation ang lunas, dahil maraming OFWs ang ayaw umuwi sa Pinas dahil sa pangamba na hindi na makabalik sa kanilang trabaho.

HINDI sapat ang pangako na magbibigay ng Re-Integration Cash Grant sa mga uuwi sa Pinas.

HINDI rin sapat na sabihan lamang ang mga OFW na maging Alerto, Mag-ingat, at Magbigay ng Hotline Numbers.

Ang kailangan lamang sa ngayon ay ang ipaalam sa kanila ang malinaw na exit plan o contingency plan ng ating gobyerno.

4

Related posts

Leave a Comment