(JOEL O. AMONGO)
HINIMOK ni Atty. Vic Rodriguez ang publiko na singilin at papanagutin ang mga nang-aabuso sa gobyerno partikular sa pondo ng bayan.
Sa isang pagtitipon na inorganisa ng Hakbang ng Maisug kasama ang mga senior citizen sa Brgy. Bambang, Bocaue, Bulacan, ipinaliwanag ng unang executive secretary ng administrasyong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagbabantay ng taumbayan sa mga proyekto ng pamahalaan.
Inihalimbawa niya ang P550 bilyong flood control projects ng gobyerno.
“Kayo ho ba sa konting pag-ulan lang ay binabaha kayo, alam nyo po bang may P550 bilyon pondo para sa flood control projects? Saan nila dinala ang pondong ito? ‘Wag ho tayo papayag na magpatuloy sila sa kanilang mga kabaluktutan na ginagawa,” aniya.
Kaugnay nito, patuloy na lumalaki ang suporta sa idineklarang ‘war on corruption’ ni Atty. Rodriguez.
Katunayan, mainit ang suporta ng mga taong kanyang nakakasalamuha sa mga pagtitipon kung saan siya naiimbitahan.
Kabilang diyan ang mga residente ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan.
Bahagi ng pananalita ni Atty. Rodriguez ang kahalagahan ng ‘transparency at accountability’ ng mga nasa gobyerno.
Aniya, hindi maiiwasan na pag-usapan ang pulitika at bilang opisyal na kandidato sa pagka-senador, dapat suriing mabuti ng mga Pilipino ang mga kandidato sa anomang posisyon.
Ipinaaalala rin niya na pangunahing problema sa bansa ang korupsyon.
Kaya naman maging ang mga senior citizen ay kanyang hinihimok na maging gabay sa war on corruption na kanyang laban.
