NASUKOL ng mga operatiba ng District Investigation Division, Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila Police District sa kanilang follow-up operation ang 24-anyos na suspek sa pagnanakaw ng cellphone ng isang estudyante sa lungsod ng Maynila.
Natiyempuhan sa harap ng isang resort sa Valenzuela City ang suspek na kinilala lamang alyas “Mark”, isang electrician.
Bago ito, biniktima umano ng suspek ang isang estudyante ng Lyceum of the Philippines.
Ayon kay Police Major Edward Samonte, hepe ng DID – SMaRT, naglalakad ang 20-anyos na babaeng biktima kasama ang kaibigan sa panulukan ng Antonio Villegas at M. Natividad Streets sa Ermita, Manila nitong Lunes ng hapon nang dukutin ng suspek ang cellphone nito na IPhone 8 na nakalagay sa backpack.
Nasaksihan ng kaibigan ng biktima ang pandurukot at nagsisigaw ito kaya tumakbo ang suspek.
Humingi ng tulong ang biktima sa tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau na siyang humabol sa suspek ngunit nang kapkapan ay hindi nakita ang cellphone. Bunga nito, kinuha na lamang ng traffic enforcer ang pagkakakilanlan ng suspek at kinunan din ito ng larawan saka pinauwi.
Hindi naman nakuntento ang biktima kaya dumulog ang magkaibigan sa tanggapan ni Major Samonte.
Bilang tugon, iniutos ni Samonte kina Police Major Emmark Dave Apostol at Police Lieutenant Edgar Julian na magsagawa ng follow-up operation.
Nang kanilang rebyuhin ang kuha ng CCTV ay kitang-kita na itinago ng suspek sa may halamanan ang dinukot na mobile phone ng biktima kaya hindi nakita nang kapkapan ito.
Kita rin sa CCTV ang suspek nang balikan nito ang cellular phone.
Dito na nagsagawa ng follow-up operation ang tropa ng MPD-SMaRT at pinuntahan ang suspek sa address nito ngunit hindi naabutan doon. Bandang 10:30 ng gabi, isang impormante ang nagsabi na ang suspek ay nasa resort sa Gen. T De Leon St. sa Valenzuela City at doon na ito inaresto.
Bagaman nabawi ang cellphone, desidido ang biktima na kasuhan ang suspek.
“Keep up the good work,” mensahe naman ni MPD-Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon sa kanyang mga tauhan kasabay ng bilin na laging isapuso ang kanyang direktiba na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation at ang programa ni P/Brigadier General Jonnel C. Estomo na SAFE NCRPO. (RENE CRISOSTOMO)
