BILANG na ang araw ng mga nagpapautang na abusado kung maningil dahil magkakaroon na ng kaparusahan sa mga ito.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, ngayon pa lang ay dapat nang magdalawang-isip ang mga abusadong nagpapautang at nangongolekta ng utang kasunod ng kanyang inihain na Senate Bill No. 1336 o ang “Fair Debt Collection Practices Act” na magbabawal sa paggamit ng ‘di makatarungan, mapanlinlang at abusadong pangongolekta at paniningil ng utang sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian na ang panukalang batas na ito ay bunga ng samut-saring reklamo na natatanggap ng kanyang opisina kung saan ang ibang biktima ay tinatakot umano at hinihiya sa social media dahil sa kanilang pagkakautang o kaya naman ay palalabasin na sila’y hinabla ng kanilang pinagkakautangan.
“Layunin ng panukalang batas na ito ang pagtanggal ng abusado at hindi makatarungang pangongolekta ng debt collectors ng utang laban sa mga kababayan nating nangangailangan,” ani Gatchalian.
Ayon sa panukalang batas ni Gatchalian, pinagbabawalan ang tagasingil ng utang na mang-harass o mang-api ng mga taong may utang, kasama na rin ang paggamit ng mapanlinlang na representasyon o pamamaraan ng pangongolekta ng utang.
Layon ng naturang panukala na siguruhing confidential ang lahat ng impormasyon ng mga umutang, maliban na lamang kung may pahintulot ng nangutang.
Kapag naisabatas na, papatawan ng P30,000 na maximum penalty, kasama na ang aktwal na damages ang sinomang lumabag nito. NOEL ABUEL
