TARA! ALAK PA!
(Ni ANN ESTERNON)
Sa pag-aaral dumarami na ang mga Pinoy na sumusobra sa pag-inom ng alak. Ang tawag sa kanila ay mga binge drinker.
Ang sobrang pag-inom ay isang seryoso pero maiiwasang public health problem. Ito rin ay magastos at nakamamatay o deadly pattern of excessive alcohol use.
Sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute na nasa ilalim ng Department of Science and Technology noong nakaraang taon, inihayag nito na aabot na sa 10 milyong Pinoy ang nalululong sa alak.
Sa pag-aaral, kaya ng mga Pinoy na kumonsumo ng lima pataas ng inuming nakalalasing sa loob ng dalawang oras.
Ang pag-inom nang sobra-sobra o pagiging binge drinker ay kadalasang nangyayari sa mga may edad 18-33 taong gulang. Ito kasi ang panahon na iniisip nila na kaya pa ng kanilang katawan kaya’t sige lang sa pag-inom – o sa madaling salita ay pag-abuso sa kalusugan.
Samantala ang kalahati naman ng kabuuang binge drinker ay nasa edad na 35 pataas.
Kadalasan din ang mga binge drinker ay mga kalalakihan.
May seryosong epekto ang pag-inom ng alak. Alam naman natin iyan. Ano na lang kung sumobra ka sa pag-inom nito – tipong routine na o bahagi ng sistema mo ang pagiging binge drinker?
ANU-ANO ANG PELIGRO SA PAG-INOM NG ALAK?
– magkakaroon ng problema sa memorya at pag-aaral
– nakadepende sa alak
– fetal alcohol spectrum disorders
– maaaring malaglag ang bata sa sinapupunan
– maaaring maging bayolente ang umiinom nang sobra at masangkot sa homicide, suicide, intimate partner violence at sexual assault
– maaaring maaksidente sa pagmamaneho, malaglag, masunog o makaranas ng alcohol poisoning
– pagkakaroon ng cancer sa liver, breast, esophagus, colon, mouth o sa lalamunan
– pagkakaroon ng chronic diseases tulad ng high blood pressure, stroke, heart disease at liver disease
PAANO MAIIWASAN ANG SOBRANG PAG-INOM?
– Ang pagpapataw ng mataas na buwis sa anumang uri ng inuming nakalalasing na tinatawag ding pricing strategies
– Dapat magkaroon ng screening at counseling para sa alcohol misuse
– Dapat magkaroon pa ang pamahalaan para sa pagkontrol sa pagbebenta ng alak
USAPANG ALAK PA: ANONG TOTOO?
– Sinasabi rin sa pag-aaral na mas matagal na malasing ang mga lalaki o dahil mas marami silang mga muscles, mas mabigat sila kaya ang alak ay mas hindi concentrated sa kanilang bloodstream. Maliban pa rito ang katawan ng mga lalaki ay mas may tubig kumpara sa mga babae, pound for pound, kaya ang alak ay mas diluted.
– Hindi nakatutulong ang pag-inom ng kape para bumaba ang tama o epekto ng alak sa katawan. Kaya hindi ligtas na mag-drive ang lasing kahit pa uminom ito ng kape – baka mas maging daan pa ito para mag-palpitate ang driver.
– Nakatutulong ang kumain muna bago ang pag-inom upang hindi agad na malasing kumpara sa pag-inom na walang laman ang sikmura. Kapag busog, ang alak ay mabagal na nakadadaloy sa bloodstream.
– Hindi safe na magmaneho kahit pa isang bote lamang o anumang uri ng inuming alak ang ikonsumo.
– Hindi dapat mapaghalu-halo ang mga inuming alak o mga nakalalasing dahil lalo lamang mapapainom nang marami ang isang tao.
– Ang maagang pag-inom o kapag mas bata pa ang umiinom ay maling paniwala para sa maagang edad na kasawaan nila ang alak o pagiging lasinggero. Ito ay dahil mas tatatak sa kanilang isipan na sa tagal nilang umiinom ay parang immune na sila sa epekto ng alak.
– Hindi totoo na kapag mas dark ang kulay ng inuming nakalalasing ay mas matindi ang epekto nito o tama nito sa manginginom. May mga alak na mas matingkad ang kulay dahil na rin sa malt at ibang ingredients na ginagamit sa recipe. Tandaan na ang vodka ay malinaw pero iba ang tama nito.
– Hindi totoo na nakasisira ng brain cells ang pag-inom ng alak. Ang totoo rito ay nakaaapekto ito kung paano makipag-communicate sa ibang cells o sa bawat isa – kaya iba rin ang isip ng taong walang alak sa katawan kumpara sa taong nakainom na o lasing na.
– Dapat mas iwasan ng taong may mga sakit tulad ng heart problems ang pag-inom ng alcohol. Ito ay para hindi malagay sa peligro ang kanilang kalusugan.
– Mas kaunti ang epekto ng hangover mula sa pag-inom ng light-colored drinks tulad ng white wine and vodka.
– Ang alcoholism ay nasa dugo rin. Ibig sabihin kung nasa lahi o nasa pamilya ninyo ang umiinom, manginginom o lasinggero ay mataas ang tsansa na mapasa ito sa susunod na henerasyon. Ibig sabihin din na maipapasa ang peligro sa kalusugan lalo na’t kung sadyang walang kontrol sa katawan.
