(NI ROSE PULGAR)
MULING nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa mga Filipino na naghahanap ng trabaho sa abroad na nananatili ang deployment ban sa Household Service Workers sa bansang Lebanon.
Ayon sa regulasyon ng Pilipinas, iligal para sa mga Filipino na maglakbay patungo ng Lebanon upang magtrabaho bilang domestic helper o kasambahay.
Iligal din mag recruit, manghikayat o maging daan sa paglabas sa Pilipinas tungo sa Lebanon upang manilbihan bilang katulong sa bahay.
Ang sumuway sa nasabing kautusan ay papatawan ng karampatang kaparusahan, ayon sa batas.
Ang mga undocumented Filipino workers sa Lebanon na nais na bumalik ng Pilipinas ay kailangan kumuha ng exit clearance mula sa Lebanese General Security (Immigration).
Lahat ng Pilipinong walang papel sa Lebanon ay makakauwi lamang sa Pilipinas kung may exit clearance galing sa Lebanese General Security (Immigration).
Bilang bahagi ng proseso, ang mga sumusunod ay dapat matugunan permiso ng unang amo/sponsor, bayad sa iqama na hindi nabayaran, balidong passport o travel document, at tiket pang eroplano.
Ayon sa Embahada ang buong proseso ay inaabot minsan ng tatlo hanggang limang buwan at pwede pang makulong.
Payo ng Embahada, sumunod sa batas, maging segurista, at huwag maniwala sa mga iligal recruiter.
