CAMARINES NORTE – Natagpuan ng kapwa mangingisda ang bangkay ng isang lalaki habang nakalutang sa karagatang sakop ng bayan ng Mercedes sa nasabing lalawigan.
Kinilala ang biktimang si Chito Diaz, nasa hustong gulang at residente ng Purok 1, Barangay 4, ng naturang bayan.
Batay sa report ng Mercedes Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima noong Huwebes na nakalutang sa dagat sa nasabing lugar.
Kuwento ng isang Ronald Vitalicio, nagkukumpuni siya ng kanyang bangka ilang metro ang layo sa kinaroroonan ng bangka ng biktima nang matanaw niya ito.
Sinubukan niyang lumapit sa kinaroroonan ng biktima para manghiram ng ilang kagamitan para sa pag-aayos ng kanyang bangka.
Ngunit ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay nakita niyang nakataob na ang bangka at palutang-lutang na ang bangkay ni Diaz.
Agad siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad para maiahon ang bangkay ng biktima.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)
