BATANGAS – Patay ang isang mangingisda matapos tamaan ng kidlat habang nanghuhuli ng alimango at nangunguha ng mga kabibe sa isang latian sa Barangay Bundukan, sa bayan ng Nasugbu noong Huwebes ng tanghali, Oktubre 9.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa pangalang “Allan”, 48-taong gulang, residente ng Sitio Centro, Barangay Putat, Nasugbu.
Batay sa imbestigasyon ng Nasugbu Police, dakong alas-12:00 ng tanghali, kasama umano ni Allan ang isa pang mangingisda habang nangunguha ng mga alimango at kabibe sa maputik na bahagi ng latian sa naturang barangay, nang biglang gumuhit ang matalim na kidlat.
Tinamaan umano ang biktima na grabeng pinsala ang katawan.
Agad itong dinala ng kasama sa kanyang bahay at ipinaalam sa pamilya ang nangyari ngunit hindi na isinugod sa ospital nang mapagtanto ng mga kaanak na wala na itong buhay.
(NILOU DEL CARMEN)
