TARGET ng manhunt operation ang isang lider ng Abu Sayyaf Group matapos na makatakas sa isinagawang law enforcement operation ng mga pulis at militar na ikinamatay ng pitong terorista, na sinasabing sangkot sa pananambang at pagpatay sa Sulu Police Provincial director, may ilang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa ulat, napatay ng military, at ng PNP-Special Action Force at PNP Criminal Investigation and Detection Group ang pitong kilabot na miyembro ng ASG sa Kapuk Pungol, Parang, Sulu noong nakalipas na linggo, sinasabing sangkot din sa pananambang sa isang pangkat ng Philippine Marines na ikinamatay ng isang sundalo.
Subalit nakatakas sa gitna ng matinding sagupaan si Alganer Dahim na kasama ni Juko Dahim, na siyang target ng law enforcement operation.
“However, the heavily armed group of Alganer Dahim and Juko Dahim sensed the arrival of the operating units, triggering the firefight,” pahayag ni Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command for Western Mindanao.
Pahayag naman ni Major Dominador Mauricio, commander ng 7th Action Battalion of the Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), ang grupong napaslang ay siya ring sangkot sa May 7, 2009 ambush killing kay Sulu police provincial director, Senior Superintendent Julasirim Kasim sa Bato Ugis, bayan ng Maimbung.
Samantala, tatlo katao ang iniulat na sugatan kabilang si PNP-SAF’s Captain Nolie Agmaliw, at dalawang kamag-anak ng mga suspek.
Nangyari ang sagupaan isang araw matapos na tambangan ng pro-Islamic State militant group ang Marine patrol na ikinamatay ni Marine Sgt. Tonti Melbert Pamaran at ikinasugat ng tatlong iba pa sa Lanao del Sur, ayon sa ulat.
“The Marines were not in uniform and were just bringing their short firearms because they were conducting community relations in the village,” ani Lt. Col. Sergio Reyes Ronquillo, commander ng 2nd Marine Battalion Landing Team.
Ayon pa kay Verceles, ang pitong napatay kabilang si Juko Dahim, ay supporters ng napaslang na si Abu Sayyaf kidnap-for-ransom sub-leader Majan Sahidjuan (alias Apo Mike), na sinasabing sangkot din sa cross-border kidnappings sa Sabah, Malaysian Borneo.
Base sa ibinahaging report ng Army 41st Infantry Battalion na sumuporta sa PNP Special Action Force sa Maimbung law enforcement operation, napatay sa sagupaan sina Juko Dahim, Al Dimar Kanih, Gamil Halik, Malik Iron, Jimming Akial, a.k.a. Iron; anak ni Iron; at Norhan Pasi. Dalawa naman ang nadakip habang nakatakas si Alganer Dahim. (JESSE KABEL RUIZ)
