MANILA CITY HALL EMPLOYEES, NGANGA?

NANGANGAMBA ang mga empleyado ng Manila City Hall na hindi sila makasweldo sa huling buwan sa pwesto ng natalong si Mayor Honey Lacuna.

Sa kumakalat na usap-usapan sa city hall, umaabot sa P1.4 bilyon ang halagang kailangang pasahod sa mga kawani ng pamahalaang lungsod — na sa paglalarawan ay iniwang nakanganga sa pag-aalala na walang sasahurin.

Dagdag ng sources, kapos at halos ubos na ang cash reserves ng city treasurer at posibleng kakapusin ang ipasasahod hanggang Disyembre ngayong taon.

Ayon sa mga nagrereklamo, inuna pa ni Mayor Honey ang magbakasyon kaysa asikasuhin ang pasahod sa libo-libong regular na kawani at kinuhang job order employees.

Balita rin, naubos na ang trust funds ng city government dahil ginamit umano sa pondo ng KASAMA program ng PESO noong eleksiyon.

Samantala, sinabi ng sources, na nababahala ang mga naiwang opisyal ng city hall sa kawalan ng salaping maibibili at maipambabayad sa mga kailangang supplies sa araw-araw na operasyon ng pamahalaang lokal.

Sa isang panayam, sinabi ni incoming Mayor Isko Moreno na sa pagsisiyasat ng kanyang team, natuklasang nakabaon sa daan-daang milyong pisong utang ang pamahalaang lungsod sa kontraktor ng basura, mga kompanyang kinuhanan ng supplies at iba pang serbisyo.

“Ginagantihan ba kami ni Mayora at kami ay iniwang nakanganga dahil natalo siya sa eleksiyon. Terible siya, tama lamang na matalo nga siya at ang iniintindi lamang niya ay pagpapasarap sa buhay,” naiinis na sabi ng isang opisyal ng city hall. (BP)

1

Related posts

Leave a Comment