MANILA LGU NAGBABALA VS FAKE SWAB TEST

BINALAAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang isang sindikato kaugnay sa operasyong pag-aalok nang mabilisang swab test kapalit ng kaukulang halaga at nambibiktima ng mga tao gustong makabalik ng kanilang probinsya.

Ang babala ay ginawa ng alkalde makaraang iprisenta ng Special Mayor Reaction’s Team (SMaRT), sa pangunguna ni Lt. Col. Rosalino (Jhun) Ibay Jr., ang dalawang suspek na kinabibilangan ng isang lalaki at babae, na nambibiktima umano ng mga Badjao na nais umalis ng Maynila at bumalik sa kanilang probinsya.

“Uulitin ko, ang swab test sa Maynila ay libre. Talo-inip nga lang, kasi mahaba talaga ang pila. Pero libre itong ibinibigay ng pamahalaang-lungsod mapa-ospital, bahay, sa quarantine facility at maging sa Luneta drive-through. ‘Wag maniwala sa tolongges at estapador,” giit ng alkalde.

Sa pagtatanong, nabatid ni Moreno na ang lalaking suspek ang siyang nagdadala sa babaeng suspek ng mga bibiktimahin at hinihingian ng halagang P1K bawat isa.

Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang 100 pekeng swab test results.

Ikinatwiran naman ng dalawang suspek na tinutulungan lamang nila ang mga biktima at sinabing hindi sila nanghihingi ng bayad na sinopla naman ni Moreno at sinabing “Bigyan nga ito ng gold medal”.

 

Binigyang diin ng alkalde na ang certification para sa swab test ay dapat na may pirma at hindi print-out.

 

Lumilitaw pa sa imbestigasyon na ang mga biktima ay itinatago ng babaeng suspek sa isang compound kung saan sila sinisingil ng halagang P1,500 bawat isa habang naghihintay ng resulta ng pekeng swab test para makauwi sa kanilang probinsya.

 

Pinagalitan ng alkalde ang dalawang suspek at sinabing nagagawa pang gamitin ang pandemya upang kumita ng mabilisang pera.

 

“Pekeng swab test. Eh ‘di pati anak nýo ine-expose nýo sa COVID-19. Tapos magrereklamo kayo sa gobyerno, eh mga tolongges na kagaya ninyo ang nagpaparami sa COVID,” ayon pa sa alkalde.(RENE CRISOSTOMO)

 

228

Related posts

Leave a Comment