MULING ibabalik ngayong weekend ang Manila Restaurant Week (MRW) sa ikalawang taon nito.
Ito ang napag-alaman mula kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nagsabing ang pagtitipon ay bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-450 anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila sa Hunyo 24.
Ayon sa alkalde, base sa plano na iprinisenta ng hepe ng Bureau of Permits na si Levi Facundo, magbabalik ang MRW sa tinatawag na ‘Frozen Weekends’ mula Hunyo 20 hanggang Hulyo 4, 2021.
Ayon pa kay Domagoso, ang mga restaurant ay maaaring sumali nang libre kailangan lang nilang magpadala ng letter of intent at contact information sa pamamagitan ng email sa permits@manila.gov.ph.
Hinimok nito ang publiko na suportahan at tangkilikin ang mga restaurant sa Maynila upang makatulong sa pagsigla ng ekonomiya.
Sinabi naman ni Facundo, “Joining this gastronomical event is absolutely free! Get first dibs on exclusive MRW deals and discounts from your favorite participating restaurants by following our Facebook official page @manilarestaurantweek for news and updates.”
Ang MRW ay inilunsad noong Setyembre ng nakaraang taon, at mahigit 80 restaurant ang lumahok.
Ito ay resulta ng kampanyang ‘Manila Support Local’ na layuning hikayatin ang publiko na suportahan ang lahat ng Manila-based establishments sa tuwing sila ay kakain at mamimili ng kanilang mga pangangailangan. (RENE CRISOSTOMO)
147
