Manny Pacquiao: ‘Champion For Life’

SA kabila ng kanyang ­pagkabigong makamit na muli ang korona ng super-welterweight na binawi sa kanya ng World Boxing Association pitong buwan ang nakalilipas, balak bigyan ng nasabing organisasyon si eight-division world champion Manny Pacquiao ng karangalang “Champion for Life” sa ika-100 taong anibersaryo nito.

Sa ulat ng mga foreign news service, sinabi mismo ito ni WBA president Gilberto Mendoza Jr. matapos makipagkita sa Pambansang Kamao, makaraang ­talunin ito ng Cubanong si Yordenis Ugas noong nakaraang Linggo (Sabado sa Amerika) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Base sa kumalat na video sa social media at sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), humingi ng tawad si Mendoza kay Pacquiao, sa harap ni MP Promotions president Sean Gibbons, sa kalituhang naganap sa pagkakatanggal ng WBA crown sa 147 libra sa ­fighting senator.

Kaugnay ito sa pagtatalaga kay Pacquiao na “champion in recess” dahil sa kawalan ng aktibidad mula noong 2019 dala ng pandemya (COVID-19) at ibinigay ang titulo nito kay Ugas “on a silver platter,” ika nga.

Sa paghahangad na mabawi ang kampeonato, pumirma si Manny ng kontrata para labanan si Errol Spence Jr. para pag-isahin ang WBC/IBF na hawak ng huli.

Ngunit 10 araw bago ang labang Pacquiao-Spence, nagkaroon ng pinsala sa mata ang Amerikano at ipinalit si Ugas
bilang bagong kalaban.

Tinalo ng Cubano ang ­ipinagmamalaki ng Pilipinas sa nagkakaisang hatol para ­maidepensa ang korona at maging ligal ang pag-upo niya sa tronong ibinigay sa kanya gratis et amore.

Para sa marami, ang Champion for Life ng WBA ay pa-konsuelo de bobo kay Manny lalo’t ‘itinapon nito sa basurahan’ ang apela ni Pacman na maibalik sa kanya ang titulo.

“I was fooled but I’m sorry about it. But anyway, I have to do it personally Manny coz you have behaved like a real gentleman and you teach a lesson to others,” wika ni Mendoza.

“You’re going to be a champion for life and you know, I have a belt that’s made and it’s going to come with a resolution afterward. I hope to see you soon Manny, with the belt and everything else. It’s a new one,” dagdag na sabi ng WBA big boss.

Ayon naman kay Pacquiao, hindi na kailangan ni Mendoza na humingi ng kapatawaran. “Mendoza doesn’t owe any ­apology since he’s just doing his job as president of the WBA, which is commemorating its centennial year.”

Hinggil naman sa napaulat tungkol sa kanyang ­pagreretiro, ipinahayag ni Pacquiao na kai­langan muna niyang lubusang makapagpahinga at makapag-isip bago siya magdedesisyon sa mga susunod niyang hakbang, maging ng kinabukasan niya sa pulitika.

145

Related posts

Leave a Comment