IPINARATING sa akin ng ating volunteer advocate na si Marilou Cabotage ang kahilingan ng isang OFW na nakilalang si Cherryl Alfiler na kasalukuyang nasa bansang Kuwait.
Bibigyan natin ng pagkakataon na malathala sa ating espasyo ang kabuuan ng kanyang panawagan.
“Magandang araw po sa inyong lahat at sana’y nasa mabuti po kayong kalagayan. Ako po ay humihingi ng tulong dahil gusto ko na pong umuwi.
Tapos na po ang aking kontrata last February 6, 2021. Noong una po ayaw nila akong payagang umuwi. Hanggang nagreklamo ako sa kanila kaya pina-book po nila ako pero dalawang beses na pong nakansela. At ang masaklap pa po, ako po pinagbayad nila ng 80 Kuwait Dinar para sa rebooking na dapat naman ay sila po ang magbabayad.
Ang nakuha na naman po nilang schedule ay October pa po at wala pa rin pong kasiguraduhan. Nagkakaroon na rin po ako ng karamdaman dito. Masakit po ang aking kamay at sobrang stress na po ako rito at sana po mabawi ko po ‘yung 80 Kuwait Dinar na pinabayad po sa akin ng aking amo.
Hiling ko po sana na matulungan n’yo po akong makauwi at kung maaari ay maisali na lang po sana ako sa repatriation o chartered flight.
Pinaalam ko na rin po sa aking agency sa Pilipinas pero hanggang ngayon wala pa rin po silang update. Sinabi lang po na itatawag sa agency dito pero hindi naman po sila umaaksyon.
Nagmamakaawa po ako, Sir, tulungan n’yo po akong makauwi. Maraming maraming salamat po. God Bless po.”
Nauunawaan naman natin ang panawagan na ito ni Cherryl. Bawat OFW lalo na at nakatapos na ng kanilang kontrata ay talagang mabuburyong kapag hindi makakauwi sa takdang panahon.
Naalala ko tuloy noong ako ay nasa bansang Kuwait ay halos nagbibilang ako lagi ng buwan at kapag malapit na ang bakasyon ang bawat araw ay akin nang binibilang. Pangkaraniwan na kasi sa mga OFW na paglapag pa lamang sa bansang pagtatrabahuan ay binibilang na ang bawat araw ng kanilang pag-uwi, kaya talagang madidismaya ito kapag hindi nakauwi sa oras na kanyang inaasahan.
Gayunpaman, sana ay maunawaan din ng ating mga kabayani ang hindi pangkaraniwang sitwasyon ngayon sa pagbili ng tiket sa eroplano.
Napakarami kasing mga flight ang naka-kansela dahil sa limitasyon ng bilang ng pasahero na pinapahintulutang lumapag sa ating airports.
Gayunpaman, ang kahilingan na ito ni Cheryl ay ating ipapanawagan sa kanyang ahensya na LNS International Manpower at pati na rin sa ating masipag na Welfare Officer na si Jingle na siyang humalili kay Atty Lhyn Perez.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
196 