(NI NOEL ABUEL)
ANG kapalpakan ng mga opisyales ng MWSS Regulatory Office (RO) at mga board of trustess nito ang itunuturong responsable sa nangyaring water crisis sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Giit ni Senador Joel Villanueva, sa nakalipas na pagdinig sa Senado ay dalawang bagay ang nabunyag kabilang ang kawalan ng sapat na pag-aaral sa operasyon ng suppy ng tubig.
“Ang trabaho po ng regulator ay magprotekta at magpulis para sa kapakanan ng taumbayan. Klaro po na sa estado ngayon, kulang sa tapang, kapos sa aksyon, at mapurol ang pangil nila. In short, madaling lusutan,” ayon kay Villanueva.
“Dapat pinu-pulis ng regulatory office ang galaw ng mga water concessionaires, at kung kailangan patawan ng multa, ginagawa ito agad-agad,” dagdag pa nito.
Labis umano itong nagulantang nang madiskubre na wala sinuman sa mga kasalukuyang board member ng MWSS Board of Trustee ang nakapagtapos ng civil o sanitation engineering.
“Hindi na po tuloy nakapagtataka kung bakit malabo ang sagot sa tanong kung mayroon bang long-term na plano ang ahensya para maiwasan ang krisis sa supply ng tubig,” aniya.
Inihalimbawa pa nito ang pahayag ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na sa anim na board member ng MWSS, dalawa ay retiradong pulis at sundalo.
“I think the lack of a civil or sanitation engineer in the board is one of the reasons why we are in this situation now. Kung mag-aapply nga tayo sa trabaho, hinahanapan tayo ng sapat na qualifications bago kuhanin ng kumpanya. Dapat pong masunod ang itinakda sa batas na naglalahad ng sapat na qualifications ng MWSS Board,” paliwanag ni Villanueva.
