DISMAYADO si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa nakitang katigasan ng ulo ng ilang mamamayan kaya’t patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa bansa partikular sa Metro Manila.
Kaugnay nito, binawi ni Sotto ang naunang pahayag na may problema sa mga ipinatutupad na hakbangin ng Inter Agency Task Force for Emerging Diseases at iginiit na mas malaking sakit ng ulo ang katigasan ng ulo ng publiko.
“I think the (non) compliance of the people, mas malaking sakit ng ulo ‘yun kaysa sa program. The reason I say that is that ‘yung mga programa natin, mga protocols natin, lalo na noong umpisa pa lang… it’s the same thing that were done in other countries eh and they are all successful in those countries na sumunod,” saad ni Sotto.
“Mas malaki ang pagkukulang natin, ng mga kababayan natin, na hindi sumusunod,” diin pa nito.
Kung siya anya ang tatanungin, mas nais ni Sotto na magpatupad ng selective quarantine sa bawat lugar depende sa panganib dulot ng COVID 19.
“It’s better if government will be selective and retain GCQ in some areas in the National Capital Region. Ngayon pa lang, GCQ pa lang, hindi pa nag-MGCQ eh malala na,” diin ni Sotto. (DANG SAMSON-GARCIA)
