AMINADO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dumadaan ang bansa sa “pinakamahirap na panahon” dahil sa malawakang operasyon kontra korupsyon na binuksan niya sa SONA, partikular sa flood control anomaly na tinawag niyang “kanser ng lipunan.”
Sabi ni Marcos, malaking operasyon ang kailangan para walisin ang kabulukan, pero gaya ng operasyon, tiyak na masakit muna bago gumaling.
“May hirap ngayon, at humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan. Pero kailangan natin itong pagdaanan para tayo’y makaahon at makabangon,” pahayag ng Pangulo, na sinabing matatag ang Pilipino at mabilis babawi.
’24/7 kontra abuso at entitlement’
Binigyang-diin ni Marcos na tuloy ang laban sa mga abusado at mga sanay sa “entitlement,” at handa raw ang gobyerno na magtrabaho 24/7 para tapusin ang bulok na sistema.
Kasabay nito, muling nanawagan ang Pangulo sa media na makipagsanib-pwersa laban sa fake news, na inilarawan niyang “hindi na nakakatuwa, kundi nakakasira.”
“Marami kaming ideya kung paano lalabanan, pero kailangan pa rin namin ang tulong ninyo,” pakiusap niya sa mga nasa pamamahayag, na aniya’y “may kredibilidad na kayang kontrahin ang imbento at walang basehan na impormasyon.”
Dagdag pa ng Pangulo, responsibilidad ng gobyerno at media na gabayan ang publiko kung ano ang dapat paniwalaan at hindi.
(CHRISTIAN DALE)
25
