TILA binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang mga kaalyado na handa niyang tablahin ang mga ito kung kabilang sila sa mga nagpapahirap sa tao.
Ayon sa Pangulo, kailangang may managot sa pagdurusa at paghihirap ng mga Pilipino kahit pa ang mga ito ay kaalyado niya.
“Yung dinadaanan na hirap na dinadanas ng ating mga kababayan, they have to be told who is responsible, and somebody has to answer for their suffering,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang video clip na kinuha mula sa paparating na episode 3 ng “BBM Podcast.”
“Sorry na lang. Hindi na kita kaalyado kung ganyan ang ginagawa mo, ayaw na kitang kaalyado,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Sa kabilang dako, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ang podcast episode ay naglalayon na sagutin ang ilang usapin na hindi natalakay sa kanyang katatapos pa lamang na State of the Nation Address (SONA).
Sa ikaapat kasi na SONA ng Pangulo, ipinag-utos nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng listahan ukol sa flood control projects na sinimulan at nakumpleto sa nakalipas na tatlong taon.
Tinawagan din ng pansin ng Pangulo ang ‘power at water providers’ para sa kanilang palpak na ‘interrupted service’ sa Filipino consumers.
(CHRISTIAN DALE)
