MARCOS VLOGGER PATAY SA PAMAMARIL SA CALOOCAN

PATAY ang isang 24-anyos na vlogger na kilalang supporter ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Caloocan City nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Alicia Lipata, na mas kilala bilang “Mima Alicia,” residente ng Blk. 3 Lot 18B Tierra Nova Subdivision Main, Barangay 171, Caloocan City.

Sugatan naman ang kanyang live-in partner na si Nelboy Lluz, 24-anyos, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Batay sa ulat ng Northern Police District (NPD), dakong alas-3:06 ng madaling araw nang pasukin ng dalawang armadong lalaki ang inuupahang bahay ng magkasintahan at pagbabarilin ang mga ito.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Lipata na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Nagawa pang makatakbo palabas ng kanilang inuupahang bahay ang magkasintahan bago tuluyang humandusay.

Agad namang bumuo ang pulisya ng Special Investigation Task Group upang tugisin ang dalawang suspek na tumakas gamit ang isang motorsiklo.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril habang nagsasagawa ng backtracking at forward tracking sa mga CCTV camera sa lugar para sa pagkakakilanlan at agarang pagkakadakip sa mga suspek.

(TOTO NABAJA)

177

Related posts

Leave a Comment