MOVE IT TINIYAK SUPORTA SA PAMILYA NG RIDER-PARTNER NA PINASLANG SA CALOOCAN

NAGTUNGO si MOVE IT General Manager Wayne Jacinto upang personal na makiramay sa pamilya ng nasawing rider-partner na si Fabio Norberte, Jr.

NAGPAHAYAG ng matinding pakikiramay ang MOVE IT Philippines sa pamilya ng rider-partner na si Fabio Norberte Jr. at tiniyak ang patuloy na suporta sa kanila habang isinusulong ang hustisya para sa biktima.

“Labis naming ikinalulungkot ang pagpanaw ni Fabio. Taos-puso kaming nakikiramay sa kanyang pamilya, mga mahal sa buhay, at sa buong MOVE IT rider community,” pahayag ni MOVE IT General Manager Wayne Jacinto.

Si Norberte, 46, ay nasawi matapos umano siyang holdapin at saksakin ng kanyang pasahero sa Brgy. 20, Caloocan City noong madaling araw ng Hulyo 14.

Ayon kay Jacinto, nagbigay na ang MOVE IT ng paunang financial assistance sa pamilya ni Norberte habang isinasagawa ang pagproseso ng mga insurance benefits na maaari nilang matanggap.

Patuloy rin aniyang nakikipag-ugnayan ang kumpanya sa pamilya upang matiyak na maibibigay ang iba pa nilang pangangailangan.

Dagdag ni Jacinto, sasamahan at susuportahan ng MOVE IT ang pamilya ni Norberte habang hinaharap nila ang pagdadalamhati at unti-unting muling binubuo ang kanilang buhay.

Mariin ding kinondena ng MOVE IT ang karahasang ikinasawi ng rider-partner nito.

Sinabi ni Jacinto na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng impormasyon at mga rekord na maaaring makatulong sa imbestigasyon at pag-uusig sa kaso.

Handa rin aniya ang MOVE IT na magbigay ng legal assistance sa pamilya ni Norberte sa pagpapatuloy ng kaso.

Binigyang-diin ni Jacinto na kasalukuyan nang sinusuri ng MOVE IT ang booking system at mga safety protocol nito upang lalo pang mapalakas ang proteksyon ng lahat ng rider sa kanilang network.

Nanawagan naman si Motorcycle Taxi Community Chairman Romeo Maglunsod sa pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit at mas malawak na proteksyon para sa mga motorcycle taxi rider, kabilang ang agarang pagsasabatas ng Motorcycle Taxi Bill na may malinaw na probisyon para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

Ayon kay Maglunsod, si Norberte na ang ikatlong motorcycle taxi rider na nabiktima ng krimen sa loob lamang ng isang linggo.

Dalawa pang rider mula sa ibang platform ang naiulat ding naging biktima ng carjacking, holdap, at pagpatay.

Sinang-ayunan ito ni Jacinto at nanawagan sa lahat ng motorcycle taxi platform na magkaisa upang sama-samang itaas ang antas ng proteksyon at kaligtasan sa buong industriya para sa bawat rider at pasaherong umaasa sa kanilang serbisyo.

Tiniyak ni Jacinto na mananatiling katuwang ng MOVE IT ang pamilya ng nasawing rider-partner at ang buong rider community sa kanilang paghahangad ng hustisya.

103

Related posts

Leave a Comment