MARINA KINALAMPAG NG RAPIDO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HUMINGI ng tulong sa Rapido ang ilang mga marino na hindi umano makakuha ng schedule sa MARINA (Maritime Industry Authority) para sa kanilang certification upang muling makasampa sa barko.

Ayon sa reklamo, mula umano nitong August 13, 2026 ay marami na sa kanilang mga kasamahan ang hindi pa makakuha ng dokumento mula sa MARINA dahil sa umano’y cyberattack.

Inamin naman ng MARINA ang nangyaring cyberattack sa kanilang database na naging dahilan upang pansamantalang makansela ang pagproseso ng Seafarer’s Identity Document (SID) at Seafarers Record Book (SRB).

Pero ayon sa reklamo, dahil sa nangyaring aberya na ito, naging prayoridad umano ng kani-kanilang kumpanya na kumuha ng mga banyaga o foreign seafarers para ‘di maabala ang kanilang operasyon at ito ang dahilan bakit nawalan ng trabaho ang marami sa Pinoy seafarers.

Kinalampag natin ang MARINA na agad namang nagpalabas ng pahayag kung saan pinabulaanan nito na may Pinoy seafarers ang hindi nakakuha ng mga dokumento at nawalan ng trabaho dahil sa nangyaring cyberattack. Tiniyak ng MARINA na natutulungan pa rin nila ang mga marinong pumunta sa kanilang tanggapan lalo na ang mga kailangan nang makaalis. Nakikipagtulungan pa rin umano ang MARINA sa DICT (Department of Information and Communication Technology) upang maayos ang mga naging problema sa kanilang database.

Dahil dito, nagpapasalamat naman tayo sa MARINA sa agaran nilang naging sagot, hindi man ito hayagang ipinadala sa ating opisina pero naging daan ito upang matugunan ang reklamong inilapit sa atin.

Layunin lang naman nating ilapit sa mga kinauukulan ang mga reklamo at paghingi ng tulong na dinadala sa ating atensyon at tanggapan.

Katulad ng mga inilapit nating mga abandonadong balikbayan box sa Bureau of Customs (na hanggang ngayon ay marami pa rin ang nawawala), layunin nating itulay ang mga OFW sa mga ahensyang makatutulong sa kanila.

72

Related posts

Leave a Comment