CLICKBAIT ni JO BARLIZO
APRUBADO na sa third and final reading sa Senado, ang panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers (𝗕𝗛𝗪𝘀), na nagbibigay ng benepisyo at karapatan sa mga barangay health worker.
Layunin ng Senate Bill No. 1905, o ang panukalang “Magna Carta of Barangay Health Workers, na mabigyan ng pagkilala, sapat na proteksyon, makatarungang benepisyo, at tuloy-tuloy na pagsasanay ang mga BHW
nagsisilbing frontliner sa laban para sa kalusugan.
Magandang balita ito para sa mga BHW, ngunit kailangan pa ring umasa habang hindi pa ganap na batas ang panukala.
Sa ilalim ng panukala, ang mga BHW ay tatanggap ng buwanang honorarium na hindi bababa sa P3,000, bukod pa sa transportasyon, subsistence, hazard allowance, cash gift, at loyalty incentive mula sa lungsod o munisipalidad na kanilang pinaglilingkuran.
Aba, puwede na bang masabi na sweldo na ang 3k o dagdag-honorarium lang.
Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, sa datos ng Department of Health ay mayroon humigit-kumulang 250,000 barangay health workers sa buong bansa.
Ang malaking hukbo ng Pilipino na naglilingkod sa mga komunidad, ngunit karamihan ay tumatanggap lamang ng hindi pa aabot isang libong piso kada buwan.
Totoo yan. Pang-isang tasang kape at 1 pandesal with malunggay lang ang kada araw na bayad sa kanilang serbisyo.
Kaya hindi pwedeng asahan na pambuhay ng pamilya. Nag-aalaga sa kalusugan ng komunidad ang mga BHW, ngunit ‘yung binabayad sa kanila ay hindi ikabubusog.
Hindi naman kakayanin ng maraming barangay na lakihan ang honoraria ng BHW. Mabuti kung malaki ang National Tax Allotment ng barangay.
Ang inilalaan para sa personnel services o alokasyon para sa sahod at honoraria ng barangay ay hindi lalagpas sa 55% ng taunang budget nito.
Siyempre, uunahin ang sweldo ng kapitan, mga kagawad, secretary at treasurer. Sila ang may pinakamalaking tipak. Ang natitira ay irarasyon sa mga tanod, basurero, driver, tagawalis ng opis, at BHW.
Kapag marami ang BHW, mas maliit ang honorarium. Gayundin sa mga tanod.
Kaya layunin ng panukala na mapabuti ang kalagayan ng mga barangay health worker sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga incentive at benepisyo sa pagtutulungan ng mga lokal at pambansang pamahalaan.
Hindi honorarium ang pinakasentro ng hakbang ng panukala. Nasa buod nito ang pagkilala sa kanilang lingkod-bayan, dignidad, dedikasyon, at pagwawasto sa matagal nang mga kakulangan.
Sabi nga, ang mga BHW ang tulay sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan. Sila ang dahilan kung bakit umaabot ang mga impormasyon tungkol sa disease prevention, vaccination, referral, follow-up, at higit sa lahat, kalusugan.
Tama si Sen. Kiko. Pero, higit pa riyan ang gawain ng mga ‘yan. Sila rin ang katuwang kapag may handaan, kaganapan at ibang okasyon sa barangay.
Sila nga rin minsan, ayon sa naibulong sa atin, ang nagbabahay-bahay para ipaalam sa nakatira na sila ay nasa listahan ng mga tatanggap ng relief at ayuda.
Dobleng sakripisyo. Ang sukli: away mula sa hindi makita ang pangalan sa papel na dala.

99