WALA nang ibang pupuntahan pa kung hindi ang kampeonato. Ito ang target ng Marinerong Pilipino sa 2020 PBA D-League sa susunod na buwan.
Kargado ng kanilang runner-up finish sa Foundation Cup noong nakaraang Oktubre, misyon ng Marinerong Pilipino na mapasakamay na ang mailap na titulo sa pag-arangkada ng Aspirant’s Cup sa Pebrero 13.
Taglay sa ngayon ng Skippers ang ekspiriyensa, ang angking tikas at talento upang makuha na ang pinapangarap na kampeonato ngayong taon.
Ayon kay Marinerong Pilipino assistant coach Jonathan Banal mas handa sila ngayon kaysa noong nakaraang taon.
“We’re a better team now (compared to the Foundation Cup last year). The players and the coaches have learned our lessons and know what to do now to finally win the title,” ani Banal sa 52nd “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Manila kahapon.
Sinabi ni Banal, siyang representante ni head coach Yong Garcia ng Skippers, doble-kayod sila ngayon upang maiporma ang palabang koponan sa pagbubukas ng 12-team tournament sa susunod na buwan.
“Sa tingin ko mas handa, mas malakas ang team namin ngayon kumpara last year,” paliwanag ni Banal, sinamahan ni 6-10 Fil-Australian recruit James Laput at dating UCBL MVP Jayboy Solis sa weekly public service program na inisponsoran ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
“Talagang puspusan ang paghahanda namin ngayon, lalo na puro mga school-based teams na matagal nang magkakasama ang makakalaban namin ngayon. Iba yung challenge para sa team ngayon,” giit ni Banal, naglaro din sa Mapua sa NCAA at Wang’s Ballclub sa PBA D-League
Nakalinya upang makipagsabayan sa Marinerong Pilipino sina Laput at Solis.
“I’m ready to do whatever I can to contribute to the team’s success,” sambit ni Laput, ang 23-anyos na sentro ng team na nakapaglaro sa De La Salle University sa UAAP.
“My goal is to play in the PBA, so I plan to apply for the draft (in December 2020). But for now I want to learn a lot and polish my skills with Marinerong Pilipino,” dagdag ng ipinanganak at lumaki sa Perth, Western Australia ng Filipino parents na mula Bulacan at Caloocan.
Inaasahan ni Laput, lumipat sa US noong 18-anyos na at naglaro para sa Division II school Young Harris College, ang kaalaman niya sa paglalado sa ilalim nina coach Garcia at Banal ang makatutulong sa kanya upang mas gumaling pa sa paglalaro.
Si Solis naman, kinilala bilang MVP sa kanyang paglalaro sa Olivarez College sa UCBL, ay umaasa na ang kumbinasyon ng mga bata at beteranong manlalaro ang magbibigay ng malaking tsansa sa kanilang koponan.
“We are working very hard right now to get ourselves ready for the coming D-League,” ayon kay Solis, taglay ang averaged 22.9 points, 7.9 rebounds, 6.9 assists, at 3.5 blocks sa kanyang pagsukbit ng MVP award at pamunuan ang Sea Lions noong 2019 UCBL finals.
Maliban kina Laput at Solis, ipaparada rin ng Marinerong Pilipino si high-flying Jamie Malonzo, ang No. 2 overall pick sa nakaraang PBA D-League draft.
Si Malonzo, ang 6 foot 6 player na mula sa Portland State sa US, ay naglaro sa La Salle para sa one-and-done season sa kasagsagan ng UAAP Season 82.
Kinuha rin ng Marinerong Pilipino sa kanilang draft sina Joshua Torralba at Jollo Go ng La Salle, James Spencer ng University of the Philippines, Darrell Menina ng University of Cebu, at Miguel Gastador ng University of San Jose-Recoletos. (Dennis Inigo)
