ILULUNSAD sa darating na Lunes ang limang araw na libreng sakay gamit ang electronic jeep o e-jeep sa 17 ruta sa Metro Manila at karatig lugar.
Inanunsiyo ito nina Orlando Marquez at Luis “Chavit” Singson sa Meet the Press Weekly Forum sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Ayon sa kanila, 42 jumbo fully electric, air-conditioned e-jeep na may CCTV ang ilalabas, na kayang magsakay ng hanggang 28 pasahero bawat biyahe.
Saklaw ng operasyon ang Quezon City, Maynila, Makati, Pasay, Taguig, Cavite at Muntinlupa.
Batay sa dokumentong inihain sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), layunin ng pilot test na sukatin ang efficiency at pagtanggap ng publiko sa alternatibong transportasyon.
Kasabay nito, nanawagan ang ilang transport group ng dagdag-pasahe at mas mataas na subsidiya, iginiit na hindi sapat ang ₱10 kada litrong tulong kumpara sa mahigit ₱100 pagtaas sa presyo ng krudo, habang nananatili sa ₱13 ang minimum na pamasahe.
Hiniling din ng sektor ang pagrepaso sa fare structure at oil deregulation policy, gayundin ang aksyon laban sa mga iligal na sasakyang umaagaw sa pasahero.
Aminado naman ang mga proponent na hamon pa rin ang charging infrastructure at pangmatagalang operasyon, bagama’t plano ang paggamit ng solar-powered charging stations.
Inaasahang magsisilbing batayan ang libreng sakay upang matukoy kung praktikal ang e-jeep sa gitna ng patuloy na krisis sa langis.
(JULIET PACOT)
129 