KONGRESISTA BINATIKOS ANG ASIA BREWERY SA PAMBOBOMBA SA RALIYISTA

KINONDENA ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando ang pamunuan ng Asia Brewery Inc., na pagmamay-ari ng mag-amang Lucio at Michael Tan, sa ginawang pagbomba ng tubig sa mga manggagawang nagra-rally sa labas ng planta ng kumpanya sa Cabuyao, Laguna.

Ayon kay San Fernando, binomba ng tubig at nagsagawa ng marahas na pagbuwag ang mga security ng Asia Brewery kahit legal at may permit ang ginawang rally ng mga manggagawa ng Package World Incorporated.

“Ayan, kay Lucio Tan at Michael Tan, biruin mo bilyong-bilyon na iyong pera mo, humhingi lang ng makatwirang bahagi lang iyong mga manggagawa, tapos anong igaganti mo?” wika ni San Fernando.

Sinabi ni San Fernando, nag-deploy ng goons ang Asia Brewery na armado ng patalim para buwagin ang picket line at nagsagawa ng pambobomba ng tubig ng manggagawang nagwewelga.

“Sa Department of Labor and Employment (DOLE), anong pinaggagawa niyo dyan sa opisina ninyo? Ito na, malinaw na inuundayan sila ng saksak. Binomba na sila ng tubig. Tapos ang sasabihin ninyo, titingnan nyo kung mayroong mga paglabag sa karapatan ng manggagawa. Nagpapalamig lang kayo sa mga opisina niyo,” wika ni San Fernando.

Sumbong ng isang opisyal ng unyon, mismong Asia Brewery ang may-ari ng firetruck na ginamit sa pambobomba ng tubig kahit pa kumpleto ang kanilang requirements para makapagwelga.

“Kinalas nila lahat ng mga tarpaulin namin. Binaklas nila lahat ng gamit namin. Iyon na, binomba na kami lahat-lahat. Sinasaktan na yung mga kasamahan ko,” wika ng opisyal.

Ayon sa mga manggagawa, humihingi lang sila ng wage increase at tamang mga benepisyo gaya ng edukasyon mula sa kampanya ng mga Tan, ngunit sila’y tinanggihan.

Ang iba naman, hindi pa rin regular ang estado kahit mahigit dalawang dekada na silang nagtatrabaho sa kampanya.

“Sa management po. Nakikiusap kami nang maayos. Ang laki-laki ng kinikita nyo. Samantalang iyong amin, kulang na nga sa pangkain, araw-araw. Sana naman kaming mga maliliit, mabigyan nyo ng pansin,” giit pa ng opisyal.

Nanawagan si San Fernando sa DOLE na masusing silipin ang insidente at protektahan ang naagrabyadong manggagawa.

“Hindi natin palalampasin ito. Ang laban ng mga manggagawa ng Package World ay laban ng lahat ng manggagawa,” wika ng mambabatas. (EG)

127

Related posts

Leave a Comment