MARKET HELPER PATAY SA KAPUSTAHAN SA ONLINE SABONG

PATAY ang isang 38-anyos na market helper makaraang tadtarin ng saksak ng kanyang kapustahan sa online sabong sa Carmen Planas St., Binondo, Manila.

Kinilala ang biktimang si Jeffrey Mirabona, ng Blk. 36, Kaunlaran Village, Dagat-dagatan, Caloocan City.

Habang tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si alyas “Waray”.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Teody Seguen kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-5:30 ng madaling araw nitong Miyerkoles nang mangyari ang krimen sa Carmen Planas St.sa Binondo.

Ayon sa ulat, nang magkita ang dalawa sa nasabing lugar ay nagtalo ang mga ito hinggil sa pustahan sa online sabong.

Pagkaraan ay bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.

Isinugod naman ng isang kuliglig driver na si Leonido Velado ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngunit hindi na naisalba ng mga doktor. (RENE CRISOSTOMO)

429

Related posts

Leave a Comment