PUNA ni JOEL O. AMONGO
MAS nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa ang kawalan ng tiwala ng mga Pilipino at mamumuhunan sa kasalukuyang administrasyon dahil sa matinding korupsyon ngayon na kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan at ilang mambabatas.
Trilyong pisong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula taong 2023, 2024 at 2025 sa ilalim ng BBM admin, ang hindi maipaliwanag kung paano nila ito ginamit.
Kung nagamit nang tama ang perang ito partikular sa paggawa ng mga silid-aralan sa buong bansa, marami sanang mga batang mag-aaral ang nakinabang nito.
Ang problema, iba ang naging pokus ng mga opisyal ng DPWH, Commission on Audit (COA), senador, kongresista at ng Palasyo, nagsabwatan sila para maisakatuparan ang pagnanakaw sa pondo ng gobyerno.
Noong hindi pa kumikibo si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ayaw siyang pauwiin ng kasalukuyang administrasyon, matapos na magsalita ito ay sapilitan na itong pinababalik sa Pilipinas ngayon.
Ikinanta ni Co sina BBM, dating Speaker Martin Romualdez na pasimuno umano sa korupsyon sa DPWH, maging sina Liza Araneta-Marcos, at Martin Araneta na may pakana ng imported na bigas at sibuyas.
Binansagan namang “Pork Barrel Kings” si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at tiyuhin nitong si dating Speaker Martin Romualdez dahil sila ang may pinakamalalaking pondo sa Kamara para sa kanilang mga proyekto.
Kaliwa’t kanang imbestigasyon ang ginagawa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ng DPWH sa iba’t ibang mga lalawigan, subalit ang mga probinsiya nina Sandro Marcos at Martin Romualdez ay nananatiling hindi napapasyalan ni DPWH Sec. Vince Dizon at ng mga imbestigador ng ICI.
Dahil sa kontrobersiyang ito ay sinampahan ng dalawang impeachment si BBM, ngayon sasabihin ng administrasyon na makaaapekto ito sa ekonomiya ng bansa.
Matagal nang sumasadsad ang piso sa palitan sa dolyar at wala na ring tiwala ang mga mamumuhunan sa Pilipinas dahil sa korupsyon, at pinipili lang ang naipakukulong ng kasalukuyang administrasyon.
Sa ganang akin, mas makaaahon ang ekonomiya ng Pilipinas kung mapatatalsik si PBBM sa pamamagitan ng impeachment.
Ang impeachment ang magsasalba sa palubog na ekonomiya ng Pilipinas, sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng hustisya ang taumbayan na biktima ng mga pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Maibabalik lamang ang tiwala ng mga Pilipino at mga mamumuhunan sa pamahalaan kung mapapalitan ang mga nagpapatakbo nitong mga korap.
Hindi biro ang trilyong pisong nawala sa DPWH dahil sa korupsyon, maraming proyekto ang napakinabangan sana ng mga Pilipino kung nagamit ito nang tama.
Ngayon sinasabi ng administrasyon na makaaapekto sa ekonomiya ang impeachment laban kay BBM, ang galing n’yo maglihis ng isyu, ipakulong n’yo mga sarili n’yo para bumalik ang tiwala ng mga mamumuhunan at mga Pilipino sa pamahalaan! Sukang-suka na ang mga tao sa hindi magandang pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
5
