RAPIDO NI TULFO
I went on a short business trip to Dubai recently, tatlong araw lang po ako doon at sa maikling panahon na inilagi ko sa maunlad na siyudad, lalo pong tumaas ang tingin ko sa ating mga kababayang nangingibang bayan upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Isang dahilan ay ang napakainit na klima sa naturang lugar, ang average temperature sa Dubai halimbawa, ay nasa 40 degrees po samantalang dito sa atin ay nasa 34 lang depende kung nasaan ang inyong lokasyon.
Hindi biro ang agwat ng temperatura na mahigit sa kuwarenta, iba po kasi ang nababasa o naririnig sa kuwento lang kaysa nararanasan nang personal. Sa aking karanasan, kung ilalarawan ang init sa UAE, ito ay “suffocating” o ‘yung hindi ka halos makahinga.
Dumating kami sa Dubai Airport ng hapon pero paglabas namin ay ang mainit na hangin pa rin ang sumalubong sa amin. ‘Di tulad dito sa atin na kapag nagdapit hapon na ay bumababa na ang temperatura.
Ang sabi ng mga kababayan nating OFWs na nakipagkita sa inyong lingkod, ay summer daw kasi ngayon sa UAE kaya napakainit ng panahon. Dapat daw ay magpunta ako ng Setyembre dahil winter na raw at mas malamig na ang klima.
Napakarami pong mga kababayan natin ang nasa UAE, sa Dubai pa lang ay halos lahat ng lugar na pinuntahan namin may nakasasalubong po akong mga Pilipino.
Pero ayon din sa kuwento, marami rin tayong mga kababayan ang illegal na naninirahan at nagtatrabaho sa maunlad na bansa. Ang mga ito, ayon sa aking impormante, ay matatagpuan na namimigay ng flyers at maliit lamang ang suweldo.
Hindi sila makauwi sa bansa dahil wala silang pamasahe. Dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang kalagayan ng mga kababayan nating OFWs na gusto nang umuwi sa bansa mula sa UAE.
390