SA halip na dalhin sa mga mall, iminungkahi ni National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa na ipasyal na lamang ang mga bata sa open spaces kung saan mas maliit ang tsansa na mahawa sila sa COVID-19.
Aniya, posibleng malagay sa panganib ang mga bata kung masyado silang i-e-expose sa labas.
Payo nito sa mga magulang, mas makabubuti na dalhin na lamang ang kanilang mga anak sa mga lugar na hindi masyadong matao gaya ng parke o kaya ay bumisita sa bahay ng mga kamag-anak.
Kaugnay nito, nakatakdang makipagdayalogo ang Metro Manila mayors sa mga eksperto at business sector kasunod ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ang mga Local Government Unit (LGU) ng ordinansa hinggil sa pagbabawal lumabas o makapag-mall ang mga batang edad 12 pababa.
Maglalatag din aniya sila ng guidelines hinggil dito at isang polisiya lamang para sa kalakhang Maynila.
Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi, umapela ang Pangulo sa mga magulang na pagbawalan ang kanilang mga anak na lumabas ng bahay lalo na iyong mga hindi pa bakunado dahil “walang defense mechanism” ang mga ito laban sa virus.
“Alam ko kayong mga magulang, gustong-gusto ninyo ipasyal ang anak ninyo after staying at home due to lockdown pero kung isipin ninyo, kung maliliit pa ang anak ninyo at ‘di pa bakunado, do not expose them to the virus,” ayon sa Pangulo.
Nababahala ang mga eksperto ngayong dumarami ang mga batang ipinapasyal partikular sa mga mall sa kabila na hindi pa bakunado ang mga ito.
Sa isang ulat kamakailan, isang 2-anyos na bata ang nagpositibo sa COVID-19 ilang araw matapos itong isama ng mga magulang sa mall. (CHRISTIAN DALE)
165 