MAS MAHAL MAMASYAL SA ‘PINAS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IMBES na kontrahin ng gobyerno ang mga reklamo ng ating mga kababayan na masyadong mahal at mahirap puntahan ang mga tourist destination sa sariling bayan ay dapat pagsikapang ayusin ang kanilang trabaho lalo na ang Department of Tourism (DOT).

Sa totoo lang, ang daming Pilipino ang umaalis araw-araw para maging turista sa ibang bansa at kung tatanungin mo sila kung nakapunta na ba sila sa mga tourist destination sa Pilipinas, marami sa kanila ang nagsasabing hindi pa.

Isa sa mga dahilan kung bakit nawawalan ng gana ang mga Pilipino na tangkilikin ang mga tourist spot sa Pilipinas ay dahil masyadong mahal ang pamasahe sa eroplano at mahal ang mga hotel accommodation.

Mahirap ding puntahan ang tourist spots dahil walang maayos na transportasyon at kung gagamit ka ng sariling sasakyan, ang haba ng biyahe, mahal ang gasolina at hindi maayos ang mga kalsada.

Kaya ang opsyon ng mga Pilipino na gustong magkaroon ng break gamit ang sariling pera ay pumunta sa ibang bansa dahil hindi hamak na mas mura ang airfare, mas mura ang hotel accommodation at maayos ang kanilang transportasyon.

Sa totoo lang, nanghihinayang ako sa gastos ng mga Pinoy sa pagpunta sa ibang bansa at kung dito nila ginagastos ‘yan baka matagal nang sumigla ang turismo sa ating bansa pero dahil puro foreigner ang target ng DOT ay walang nangyayari.

Isipin niyo ha, pareho lang ang gastos ng local at foreign tourist kaya bakit ang tinatarget lang lagi ng DOT ay ang mga dayuhan? Dapat inuuna nila ang mga local tourist at ibigay ang lahat ng ginhawa kung nais nilang umunlad ang tourism industry.

Dapat makipag-usap sila sa local airlines para babaan ang singil sa airfare at kausapin nila ang hotel operators na huwag masyadong taasan ang kanilang singil para maengganyo ang mga local tourist na rito na sa ating bansa gastusin ang kanilang budget para sa ibang bansa.

Saan ka naman nakakita na ang balikang pamasahe sa eroplano sa biyahe sa ibang bansa ay one-way lang sa Pilipinas at ang bayad sa hotel ay doble ang halaga kumpara sa mga bansa na paboritong puntahan ng mga Pinoy?

Kahit dito sa Metro Manila, hindi makatarungan ang presyo o rate ng mga hotel kaya wala silang gaanong kliyente na local gayong marami ang gustong mag-unwind at handang gumastos basta hindi abot-langit ang kanilang babayaran.

‘Yan dapat ang asikasuhin ng DOT at dapat ibandera ang larawan ng magagandang mga lugar sa Pilipinas at hindi ang larawan ng kanilang secretary. Hindi naman pagandahan ng mukha ang labanan sa turismo kundi pagandahan ng tanawin.

3

Related posts

Leave a Comment