NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes ng mas mahigpit na monitoring at mas targeted na aksyon ng pamahalaan laban sa child stunting, lalo na sa pagtukoy sa mga batang nangangailangan ng agarang intervention.
Ginawa ni Cayetano ang panawagan sa kanyang interpellation sa Senate Bill No. 2272 o ang Expanded National Nutrition Program Act, isa sa 24 na priority bills na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para sa 20th Congress.
Ayon kay Cayetano, isa sa bawat apat na batang Pilipino ang stunted. Dahil dito, tinanong niya kung sapat ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan upang matukoy ang mga batang kailangang agad na mabigyan ng intervention.
Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang mga hakbang laban sa stunting. Aniya, umaasa ang kasalukuyang surveys sa random sampling upang masukat ang lawak ng problema, ngunit hindi nito natutukoy kung sinu-sino ang mga batang nangangailangan ng agarang tulong.
“You can’t keep applying old solutions to new problems even if your new problem is also an old problem,” ani Cayetano.
“If you want to help them, it’s not enough to have a random sample because you have to know where they live and what their circumstances are,” dagdag niya.
Iginiit din ni Cayetano na dapat mas tutukan ang mga komunidad na may stunting rate na 30 porsyento pataas sa pamamagitan ng mas target na intervention.
Ibinahagi rin niya ang pagkabahala sa PhilHealth coverage para sa ordinary stunting at iginiit na dapat malinaw sa panukala kung aling mga hakbang ang maaari nang ipatupad habang pinag-aaralan pa ang iba pang detalye.
“When we cannot be specific, let’s be general. Anything that we cannot specify na ito gawin, we’ll talk about it in general. But anything that we can specify, [let’s work on it] to ensure the success of this bill,” ani Cayetano.
Iminungkahi rin ng senador ang mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, paglilinaw sa mga terminong ginagamit sa nutrition at pagpapalakas ng nutrition education para sa mga magulang at mga bata.
Sa kabila nito, sinuportahan ni Cayetano ang panukala na aniya ay maaaring maging daan upang magkaroon ng mas malawak at maayos na approach sa nutrition at child health.
“I really support this bill. I really like it when the bills evolve into transformative measures rather than just reactionary. It really goes into [what the] Constitution [states.] It’s very clear that when you talk about the future, you talk about the children,” pahayag ni Cayetano.
71 