KINUWESTYON ng ilang senador ang economic team sa mas maliit na pondong inilaan sa Department of Health (DOH) gayung humaharap ang bansa sa problema ng COVID 19 pandemic.
Sa unang araw ng pagbusisi ng Senado sa 2021 proposed budget, iprinisinta ng economic team ang nilalaman ng P4.506 trillion peso national budget.
Nanguna sa top 10 agencies na nakakuha ng pinakamalaking budget ang Education, Public Works, Interior and Local Government, Defense at DOH.
Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, ipinagtaka nito na ibinba sa P131 bilyon ang pondo ng DOH para sa 2021 mula sa P153 bilyon ngayong taon.
Sinabi ni Drilon na mas kailangan ng pondo ng DOH dahil kailangang paigtingin ang testing, contact tracing at treatment sa paglaban sa COVID 19.
Iginiit ng senador na bagama’t may isyu sa kapasidad ni Health Secretary Francisco Duque III, hindi tama para kay Drilon na bawasan ang pondo subalit sa paliwanag ng economic team, ngayong taon ay nakabili na ang gobyerno ng testing machines kaya’t sa susunod na taon ang mga test kits na lamang ang popondohan gayundin ang mga kagamitan ng health workers.
Inireklamo naman ni Senador Cynthia Villar na sa 70 DOH-operated hospitals, 30 lamang ang nagpatayo ng COVID 19 laboratory.
Kinuwestyon din ni Senador Risa Hontiveros ang maliit na pondo na P2.5 bilyon na pambili ng vaccines laban sa COVID 19 na sa kanila anyang pagkwenta ay dapat umabot sa P189 bilyon upang masakop ang 18 milyong mahihirap na Filipino.
Aminado naman ang economic managers na ang inisyal na pondo sa bakuna ay para lamangs a tatlong milyong mahihirap na pamilya.(DANG SAMSON-GARCIA)
204 