Nagtulungan ang One Meralco Foundation (OMF) at mga empleyado ng Meralco upang mapailawan ang paaralan at mabigyan ng multimedia equipment ang mga katutubong mag-aaral ng Calupisan Elementary School
Mahalagang bahagi ng araw-araw na mga gawain ang kuryente — mula sa paghahanda sa umaga, pagpasok sa trabaho at paaralan, at pag-uwi kinagabihan para maglaan ng oras kasama ang pamilya. Pero sa Pilipinas, may mga komunidad at indibidwal pa rin na walang maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente.
Kaya naman pursigido ang One Meralco Foundation (OMF), ang corporate social responsibility unit ng Manila Electric Company (Meralco), na maghatid ng liwanag ng mas marami pang komunidad sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at magdala ng oportunidad at pag-asa sa mas marami pang Pilipino sa pamamagitan ng mga electrification program nito.
Maliwanag na kinabukasan para sa mga mag-aaral ng Palawan
Mas maliwanag na ang mga silid ng tatlong (3) paaralan sa Palawan matapos isagawa ng OMF ang kanilang School Electrification Program (SEP) sa probinsya. Kabilang sa benepisyaryo ng programa ang Calupisan Elementary School sa munisipalidad ng Rizal, Paliisan Elementary School at Catagupan Elementary School sa bayan ng Balabac.
Tinulungan ng proyekto ng OMF ang mga katutubong mag-aaral at guro par magamit ang mga multimedia equipment habang nasa klase at mapahusay pa ang kalidad ng edukasyon dito. Sa pamamagitan ng pag-install ng mga solar photovoltaic (PV) system na nagsisilbing alternatibong pagkukuhanan ng enerhiya, mas umayos ang bentilasyon ng bawat silid-aralan at nagkaroon na rin ng Wi-Fi connection ang mga guro na na naging daan para ma-access ang iba pang online educational resources.
Nagbigay din ang Meralco Employees’ Fund for Charity Inc. (MEFCI) at Lenovo Philippines ng mga multimedia tool gaya ng mga telebisyon, printer, at laptop upang magamit ng mga guro ang mga e-books at iba pang educational multimedia content at para makapagbigay-sigla sa kanilang mga mag-aaral tuwing klase.
Ayon kay Analyn Miñao, isang guro sa Calupisan Elementary School , malaki ang tulong ng pagkakaroon ng kuryente ng eskwelahan dahil nahihikayat nito ang kanyang mga mag-aaral na pumasok, bagamat ilang oras ang ginugugol ng mga mga estudyante nito makapasok lamang at sa eskwelahan. Dagdag pa niya dahil sa makukulay na visual aids at iba pang online materials, mas nagiging aktibo ang mga mag-aaral habang nasa klase. “Magiging mas malawak na rin ang pagkukuhanan namin ng resources, at makakapag-Powerpoint na kami para may visual aids na para sa mga estudyante,” aniya.
Samantala, ibinahagi rin ni Emman Riambon, guro sa parehong paaralan, ang magandang epekto at mas aktibong pakikilahok ng mag-aaral. Binibigyang-diin niya kung paano nagpasigla ng mga multimedia equipment ang mga mag-aaral na dati ay hindi nakikinig. “Mapapansin mo sila na hindi na tulog sa hapon, nag-aabang na sila kasi tuwing hapon kasi kami ay gagamit ng multimedia tool, ganun sila kasabik ” aniya. Dulot nito, nagkaroon muli ng pag-asa ang mga kaguruan na may naghihintay na maliwanag na kinabukasan pa rin para sa mga katutubong mag-aaral nito sa Calupisan,
Mula sa Paliisan Elementary School, ipinahayag naman ng guro na si Myca Tamba ang kanyang taos-pusong pasasalamat para sa mga bagong kagamitan “Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng binigay para sa mga estudyante, ito po ay napakalaking tulong para po maiangat at makasabay kami kung ano ang nangyayari sa labas ng aming isla.”
Ibinigay ni OMF Program Manager Michael Del Rosario ang multimedia equipments na donasyon ng Meralco Employees Fund for Charity, Inc. at Lenovo Philippines para sa mga benepisyaryo nito gaya ni (L-R) Teacher-in-Charge Myca Tamba ng Paliisan Elementary School , Master Teacher II Helen Fresnillo ng Catagupan Elementary at Teacher-in-Charge Neljoy Bohol ng Calupisan Elementary School
Pinuri din ni Department of Education Schools District Supervisor Fe Agbon ang inisyatiba, at binibigyang-diin ang malawak na exposure na natatanggap ngayon ng mga mag-aaral. “Nakikita na ang mga bata dito, hindi lahat nakakalabas sa bayan pero dahil meron na tayong ganitong kagamitan, parang nakarating na rin sila sa bayan. Meron nang pailaw, meron pang pa-television,” aniya.
“Ang inihatid namin sa mga malalayong paaralan sa Palawan ay higit pa sa kuryente—ito ang liwanag ng pag-asa para sa bawat mag-aaral—na naging posible sa pamamagitan ng pagtutulungan ng ibat’ibang organisasyon na nakatuon sa pagbibigay ng liwanag kahit sa pinakamalalayong sulok ng bansa. Tinitiyak namin na walang komunidad ang maiiwan sa paglalakbay tungo sa isang tunay na mas maliwanag na kinabukasan para sa mga Pilipino,” sabi ni OMF President Jeffrey Tarayao.
Mula noong 2011, ang School Electrification Program ng OMF ay nagbigay-enerhiya sa higit sa 300 pampublikong paaralan sa buong Pilipinas, nagbibigay-daan para sa isang mas mahusay na karanasan sa pag-aaral at pinahusay na pagiging produktibo para sa higit sa 92,000 mag-aaral at 3,000 guro.
Paghahatid ng ligtas at maasahang serbisyo ng kuryente sa Isla Pugad
Isa sa mga benepisyaryo ng programa ang mag-asawang senior citizen at mangigisda na sina Felino and Blesilda Fajardo na mula sa Isla Pugad sa Hagonoy, Bulacan. Tinulungan ng OMF na magkaroon ng sariling koneksyon ng kuryente ang mag-asawa matapos ang isang dekada nitong paninirihan sa isla
Sa Hagonoy, Bulacan naman, naging tulay ang OMF para magkaroon ng ligtas at sariling koneksyon sa kuryente ang 47 n kabahayan sa Barangay Pugad.
Sa ilalim ng Household Electrification Program (HEP) nito, nakipagtulungan ang OMF sa Malolos Business Center, Plaridel Sector Office at ng lokal na pamahalaan para mabigyanmg teknikal at pinansyal na tulong ang mga residente nang gayon ay magkaroon ang bawat pamilya ng sarili nilang service accounts sa Meralco.
Mula sa pantalan ng Paombong, aabot sa 30 minutong biyahe sakay ng bangka ang kakailanganin para makarating sa Isla Pugad, malayo sa mga kalapit na bayan.
Dahil sa kalayuan, maraming residente ang umaasa sa pangingisda, pagpaparenta ng bangka, at pagtatrabaho bilang tindera sa palengke para sa kanilang ikinabubuhay. Bago makarating sa kanila ang programa ng OMF, karamihan sa mga sambahayan dito ay walang kakayahang bayaran ang halaga ng pagkakabit ng sarili nilang service entrances at sa halip ay umaasa sa submetering ng kuryente.
Isa sa mga benepisyaryo ay ang mag-asawang senior citizen na sina Felino at Blesilda Fajardo, na isang dekada nang nakikikabit sa kanilang kapitbahay para lang magkaroon ng kuryente. Dahil marami sa kanila ang kumukuha ng kuryente mula sa iisang source, sinabi ng mangingisda na si Felino, na mahirap makatipid sa gastos sa kuryente, kahit siya ay nagtitipid na. Ibinahagi niya na umaabot sa P300 ang kanilang bayarin sa isang buwan para lamang sa minsanang paggamit ng electric fan. Gayon din ang pagbubukas ng mga ilaw kahit sa gabi lamang dahil kailangan nila ito sa paghahanda ng kanilang lambat para sa isang araw ng pangingisda.
Ayon kay Blesilda, “Wala kaming sariling kuntador… dati po kasi walang ganyan na nag-o-offer ng pagpapakabit ng kuryente. Mahirap po kasi ilakad, dahil magbabalik-balik pa kami sa kabayanan.”
Nang bumisita ang Meralco sa kanilang komunidad at nag-alok na tulungan sila sa pamamagitan ng programa ng OMF, walang pag-aalinlangan silang nagpasa ng mga papeles upang maging benepisyaryo nito. Ngayon, nagkaroon na sila ng sarili nilang metro ng kuryente at napansin nito na mas napapamahalaan na nila ang kanilang konsumo at mas nakakatipid sa mga gastusin. “Noong nag-alok ang Meralco, dumaan pa sa kapitan namin, nagtiwala na kami”, dagdag ni Blesilda.
Pinangunahan ng Meralco at One Meralco Foundation ang lighting ceremony para sa Household Electrification Program (HEP) nito sa pakikipagtulungan sa Barangay Pugad, na pinamumunuan ni Kapitan Jimmy Gregorio, Hagonoy LGU representative Executive Assistant to Mayor Charo Sy-Alvarado at ni Meralco Head of Home & Micro North Business Alleni O. Pascual.
Ipinahayag ni Kapitan Jimmy Gregorio ng Barangay Pugad ang kanyang pasasalamat para sa suporta ng Meralco at OMF para sa kanilang komunidad—mula sa pagtulong sa barangay na alisin ang mga nakalaylay na kable hanggang sa pagtulong sa mga mahihirap pamilya na magkaroon ng sarili nilang koneksyon ng kuryente. Dagdag pa niya, mahalagang hakbang ito upang maisakatuparan ng barangay ang pangarap nitong magkaroon ang bawat pamilya sa komunidad ng sarili nilang metro.
Mula noong 2011, ang OMF sa pamamagitan ng Household Electrification Program nito ay nakapag-energize na ng sa higit sa 85,000 mahihirap na pamilya na nasa loob ng Meralco franchise area, na nagbibigay-daan upang sila ay maging mas produktibo sa bahay, at makatulong sa pag-unlad sa kanilang mga komunidad.
210



