MASAHOL ANG DROGA AT ILEGAL NA SUGAL SA CALABARZON

LUMANG balita na ang talamak ang ilegal na droga at ang ilegal na sugal sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ito’y dahil matagal nang nangyayari ito sa Calabarzon.

Kumikilos naman ang yunit ng Philippine National Police (PNP) sa rehiyon hanggang kasalukuyan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang bagong balita ay ang madalas na naibabalita sa mga pahayagang tabloid, kasama na ang SAKSI ­Ngayon, na panay huli lang ng PNP sa Cavite sa ilegal na droga.

Nakakahuli ng mga taong sangkot sa droga ang mga tauhan ng iba’t ibang yunit ng PNP – Cavite.

Nakakukumpiska ito ng milyun-milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride shabu.

Kaya, hindi masamang purihin ang liderato ng PNP – Cavite, sa pamumuno ni Colonel Marlon Santos, kapag kampanya laban sa ilegal na droga ang pag-uusapan.

Kabaliktaran ito ng mabantot na rekord ng liderato ni Santos laban sa ilegal na sugal.

Pokaragat na ‘yan!

Isang lalawigan lang ang Cavite sa Calabarzon.

Nakapagtatakang walang resulta ang kampanya laban sa ilegal na droga sa Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Sinu-sino ba ang hepe ng bawat yunit ng PNP sa mga nasabing lalawigan?

Sadya bang mahina ang kanilang pamumuno pag-dating sa kampanya laban sa ilegal na droga?

Palpak na sa droga, palpak pa rin sa ilegal na sugal ang PNP sa Laguna, Batangas, Rizal at Quezon?

Pokaragat na ‘yan!

Ang direktor ng PNP – ­Calabarzon ay si Brigadier General Eliseo DC Cruz, Batch 1990 ng Philippine Military Academy (PMA).

Itinalaga si Cruz sa Calabarzon ni General Guillermo Lorenzo Eleazar dahil malaki ang tiwala ng pinuno ng PNP kay Cruz.

Palagay ko, kumbinsido si Eleazar na maaasahan si Cruz pagdating sa trabaho, tungkulin at obligasyon ng PNP laban sa lahat ng uri ng krimen, lalo na ang ilegal na droga dahil ito naman ang sentrong kalaban ni Duterte.

Hulyo 8 na ngayon, ngunit hindi ko pa nababalitaan ang husay ni Cruz.

Hindi agresibo ang kampanya ng PNP – Calabarzon laban sa ilegal na droga.

Hindi rin matapang ang pagtugis nito sa ilegal na ­sugal, samantalang namamayagpag ito sa rehiyon.

Maraming pangalan akong nababalitaan, ngunit hindi ko matumbok ang kawastuhan ng mga ito dahil masyadong manipis ang impormasyon nakukuha ko.

Ang tiniyak lang sa akin ay 100 porsiyentong lantaran at garapal ang ilegal na sugal sa Calabarzon.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, maraming nag-aabang sa resulta ng kampanya ng PNP – Calabarzon, sa pamumuno ni Brig. Gen. Cruz, laban sa ilegal na droga at ilegal na sugal.

oOo

CP#: 09985650271 / Viber#: 09457016911

123

Related posts

Leave a Comment