MASUSING PAGSUSURI NI CONG. PRESLEY DE JESUS SA LUMPSUM ITEMS NG 2026 NAT’L BUDGET

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng plenary debates sa Batasan para sa panukalang 2026 National Budget, kapansin-pansin ang matalim at makabuluhang interpellation ni Rep. Presley de Jesus ng PhilRECA Party-list, hinggil sa lump sum allocations ng pamahalaan.

Sa pakikipagpalitan niya ng tanong kay House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mika Suansing, binigyang-diin ni De Jesus ang kahalagahan ng transparency at tamang paggamit ng pondo, lalo na sa mga programang may malaking epekto sa buhay ng mamamayang Pilipino—partikular sa disaster preparedness, disaster response, at pension obligations para sa uniformed personnel.

Tama ang punto ni De Jesus na ang Pilipinas ay isang bansang paulit-ulit na tinatamaan ng mga kalamidad.

Bawat taon, nagdurusa ang mga Pilipino dahil sa bagyo, lindol, pagbaha, at iba pang sakuna.

Kaya naman, mahalagang tiyakin na ang inilaang pondo para sa disaster response ay hindi lamang sapat kundi epektibong nagagamit.

Bagaman may pagtaas mula P21 bilyon tungong P31 bilyon sa 2026, nananatiling maliit ang bahagi ng pondo para sa climate change adaptation at mga hakbang sa pagpigil sa pinsala bago pa man mangyari ang kalamidad.

Kung tutuusin, mas makabubuti kung ang gobyerno ay mas maglalaan ng pondo sa preventive measures kaysa pagtugon kapag huli na ang lahat.

Ipinunto rin ni De Jesus ang mababang paggamit ng Quick Response Fund (QRF), gaya ng sa Department of Education na umano’y nakagamit lamang ng 19.1% ng pondo dahil sa mga aberya sa procurement at pagpapatayo ng mga nasirang silid-aralan. Isa itong malinaw na halimbawa ng hindi epektibong implementasyon ng mga proyektong pinopondohan ng buwis ng taumbayan.

Hindi rin nakaligtaan ni De Jesus ang usapin ng patuloy na paglobo ng pondo para sa pensyon ng military at uniformed personnel (MUP).

Aba’y sa P145 bilyong inilaang budget para sa 257,874 pensioners, malinaw na isa ito sa pinakamalalaking item sa pambansang badyet.

Datapuwa’t nararapat lamang na igalang ang serbisyo ng ating mga sundalo at alagad ng batas, kailangang mapanatili ang sustainability ng sistemang ito.

Ang pagtaas ng pensyon na naka-angkla sa salary indexation ay maaaring magdulot ng sobrang bigat sa kaban ng bayan sa susunod na mga taon kung hindi maayos na mapaplano.

Sa kanyang huling pahayag, iginiit ni De Jesus ang pangangailangan ng masusing pagsusuri at pananagutan sa paggamit ng lump sum items.

Tama ang sinabi ni Cong. Presley de Jesus—ang mga pondong ito ay malalaki at may malaking saklaw, kaya’t dapat lamang na mapanagot ang mga ahensya sa wastong paggamit nito.

Hindi sapat na nakasaad lamang ang mga halaga sa budget book. Kailangang maramdaman ng mamamayan ang mga benepisyong idudulot ng bawat pisong nakapaloob sa national budget.

7

Related posts

Leave a Comment