NAPAKAGANDA ng layunin ng Social Amelioration Program (SAP) sapagkat namahagi ang administrasyong Duterte ng pera sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ngunit, kahit hindi isinama sa ECQ ang Visayas at Mindanao, hindi kinalimutan ng pamahalaan ang mga pinakamahihirap na pamilya sa dalawang islang ito.
Mayo 3 na ngayon, pero masyadong magulo pa rin ang isyu hinggil sa pamamahagi ng pera sa mga pinakamahihirap na pamilya mula sa SAP.
Sabi ng Department of Budget and Management (DBM) noong Abril 16, P205 bilyon na ang kabuuang naibigay nila na pondo ng SAP sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Interior Undersecretary Martin Diño, Abril 3 pa naibigay sa local government units (LGUs) ang pera pero hindi binanggit ni Diño kung P205 bilyon ang naibigay lahat sa DSWD.
Inamin ni Social Welfare Secretary Rolando Joselito Bautista na hanggang nitong Abril 29 ay 9.5 milyong pamilya na ang nabigyan ng P5,000 hanggang P8,000 bawat isa para sa buwan ng Abril.
Kung 18 milyong pinakamahihirap ang ipinag-utos ng Republic Act No. 11469 o “Bayanihan to Heal as One Law” na bigyan ng nasabing halaga, nangangahulugang 8.5 milyon pa ang dapat mabigyan ng parehong halaga.
Sa panayam kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya sa isang TV News program, sinabi niyang sa susunod na batch na bibigyan ng ayuda ang hindi nabigyan nitong Abril. Ang sunod na batch ay ngayong Mayo.
Ibig bang sabihin nito, buo nang maibibigay ngayong Mayo ang ayuda para sa dalawang buwan?
Binanggit din ni Malaya na “hahanapan ng pamahalaan” ng pondo ang mga benipisyaryong nakasulat sa bagong listahang ibinigay ng LGUs sa DSWD.
Ibig sabihin, wala pang pondo?
Pokaragat na ‘yan!
Hindi ba’t P205 bilyon na ang ibinigay ng DBM sa DSWD?
Kung hahanapan pa ng pera, tulad nang iwinasiwas ni Malaya sa publiko, anong nangyari sa P205 bilyon?
Wala namang ganyang pahayag si Interior Secretary Eduardo Año at ang binanggit lang nitong Biyernes ay pinalawig nang isang linggo ang pamimigay ng pera dahil inalam pang mabuti ng mga alkalde kung karapat-dapat ba talagang bigyan o hindi ang mga taong nakasulat sa kani-kanilang listahan.
Walang problema rito, basta ang mahalaga ay maibigay lahat ang P205 bilyon sa karapat-dapat na bigyan ng tulong-pinansiyal ng pamahalaan para sa Abril.
Iba naman ang magaganap ngayong Mayo, sapagkat ang mga pamilyang pinakamahihirap sa mga rehiyon, lalawigan, lungsod at bayan na malalagay sa kategoryang general community quarantine (GCQ) mula sa ECQ ang mabibiyayaan na lamang ng P5,000 hanggang P8,000, ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Secretary Harry Roque.
Ibig sabihin kasi ni Roque, makapagtatrabaho na uli ang mga manggagawang nasa “formal sector” dahil “nakalaya” na sa ECQ ang kanilang lugar.
Makalalabas na upang makapaghanap ng pagkakakitaan ang mga manggagawang bahagi ng ‘informal sector’.
Kung nabago ang implimentasyon ng SAP, nangangahulugan lamang na napakalaking pera ang hindi na makararating sa mga pinakamahihirap na pamilya.
Nangangahulugan ding hindi na susundin ng administrasyong Duterte ang nakasaad at ipinag-utos ng R.A. 11469 na ang napakalaking parte ng P275 bilyon ay ipamigay sa 18 milyong pinakamahihirap na mga Filipino kada buwan sa loob ng dalawang buwan.
Malinaw na binigyang kapangyarihan ng Kongreso si Pangulong Duterte na mangalap at lumikom ng P275 bilyon mula sa P4.1 trilyong badyet ng pamahalaang nasyunal para sa 2020 upang maging handa ang pamahalaan sa paglaban at pagsupo sa COVID-19 sa loob ng dalawang buwan, kasama ang pamimigay ng P5,000 hanggang P8,000 sa labingwalong milyong pinakamahihirap na pamilyang Filipino na apektado ng COVID-19.
Ang sabi ng mga mambabatas tulad ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, walang binabanggit sa R.A. 11469 na kapag tinanggal na ang ECQ sa isang rehiyon, lalawigan, lungsod o bayan ay tatanggalin na rin ang ayuda sa mga pinakamahihirap na pamilya.
Ang gulo! Hindi pa nga nakararating sa lahat, tatanggalin na?
Sinu-sino ba ang nagpapagulo sa magandang layunin ng pamahalaan?
346
