AGAD na umaksyon si Manila 1st District Councilor Joaquin Domagoso sa maraming reklamo ng mga vendor sa nasunog na Pritil Market sa Tundo, Manila.
Kamakailan ay bumisita ang 21-anyos na konsehal sa palengke at nagulat na sa loob ng dalawang taon, mula nang ianunsiyo na ito ay patatayuan ng moderno at maayos na palengke, ito ay “Under Construction” pa rin.
Ayon sa mga vendor, lumiit ang kita nila mula nang masunog ang Pritil Market dahil sa hindi maayos na pasilidad nito, at mga nakahambalang na gamit sa konstruksyon.
Sa kabila niyon, patuloy ang pagsingil sa dating renta sa puwesto at permit sa pagtitinda, at nang malaman ito, nasabi ni Domagoso na mali iyon at pahirap sa mga manininda.
Dahil sa lumiit ang kita, may pagkakataon na hindi agad nakababayad sa sinisingil ang mga vendor, at kasunod, may pataw agad na ;penalty, na lalong nagpapahirap sa ikinabubuhay nila, sabi ng mga nagtitinda.
Upang matugunan ang karaingan ng mga vendor, nabatid na agad na naghain ng isang panukalang ordinansa si Domagoso na humihiling sa Sanggunaing Panlungsod na pansamantala, isuspindi muna ang mataas na paniningil sa mga vendor.
Ayon kay Domagoso, hindi makatwiran ang mataas na singilin dahil wala namang nararamdamang pakinabang ang mga vendor at ang mga mamimili sa pelengke na hanggang ngayon ay walang matino at maayos na pasilidad.
Ayon sa isang source maghahain din ng isang resolusyon si Domagoso upang siyasatin ang mga dahilan ng matagal na pagkumpleto sa nasunog na palengke, ngayon na ito ay pinondohan ng P283.6-million.
Nasunog ang palengke noong Mayo, 2023.
Samantala, nabatid mula sa sources sa City Council na mayorya sa mga konsehal ang sumupora sa panukala ni Domagoso, at nangakong uumpisahan agad ang imbestigasyon kung may nangyaring anomalya sa di- matapos-tapos na palengke ng Pritil.
