DAYONG BINATILYO TUMIRA NG E-TRIKE

BINITBIT ng nagrespondeng mga tauhan ng Sector 3 ng Sampaloc Police Station 4 ng Manila Police District sa inilatag na “Oplan Pagtugis” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation, ang isang 17-anyos na binatilyo na suspek sa pagnanakaw ng e-trike sa Sampaloc, Manila nitong Biyernes ng umaga.

Ayon kay Police Staff Sergeant Rowie Lizano, ng Women and Children Protection Section, ang suspek na menor de edad ay pansamantalang inilagak sa Manila Social Welfare and Development (MSWD) para sa tamang disposisyon.

Nabatid sa ulat nina Police Staff Sergeant Dharwin Dela Rama at Patrolman Shwan Michael Cuartel, sa patnubay ni Police Lieutenant Mervin Sumang ng MPD-Station 4, kay Police Lieutenant Colonel Dionelle Brannon, station commander, bandang alas-5:00 ng umaga, humingi ng tulong ang negosyanteng si “Ferson”, 53, residente ng Barangay 436, Sampaloc, hinggil sa nawawala niyang e-trike sa harap ng kanilang bahay.

Base sa report ng pulisya, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga awtoridad lulan ng motorsiklo, nang lumapit sa kanila ang negosyante upang ipabatid na nawawala ang kanyang sasakyan.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad hanggang sa matunton ang nasabing e-trike na sinasakyan ng binatilyong suspek sa Caloocan City.

Ang suspek ay naghaharap sa kasong paglabag sa Article 308 (theft) sa ilalim ng Revised Penal Code.

(RENE CRISOSTOMO)

113

Related posts

Leave a Comment