TULAD ng inaasahan, muling dumarami ang bilang ng kumpirmadong mga kaso ng nakahahawang COVID-19, partikular ang apat na iba pang Omicron subvariants. Sa Metro Manila pa lang, tumaas ng 10% ang arawang talaan ng mga positibo, batay sa datos ng Octa Research Group.
Malinaw sa datos ng Octa na nananatiling banta ang COVID-19, pero ang mga tao – dedma sa peligro. Sa isang banda, ‘di naman talaga uubra kung mananatili lang sila sa kanilang mga tahanan dahil kailangan nilang magtrabaho.
Ang masaklap, habang unti-unting dumarami ang kumpirmadong mga positibo, mistulang nahimpil naman ang pagbabakuna ng pamahalaan. Patunay nito ang mababang bilang ng mga taong naturukan ng booster shots.
Bagamat may supply, madalang ang tumutungo sa itinalagang vaccination sites.
Dangan naman kasi, abala na ang marami sa kani-kanilang trabaho sa hangaring matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi rin naman uubrang hindi kumayod lalo pa’t lahat ng pangunahing mga bilihin, nagtaas na rin ng presyo. Ang kuryente at produktong petrolyo, kailangan pang diskartehan para ‘di naman sila uhawin sa sandaling putulin ang supply ng tubig sa kanilang tahanan o mangapa sa karimlan kapag dumating ang tagaputol ng Meralco.
Ilang ulit na nga bang binigyang diin ng mga dalubhasa sa larangan ng siyensya at medisina ang kahalagahan ng bakuna kontra-COVID-19? Hindi na marahil mabilang.
Sa ganitong tagpo, higit na kailangan umisip ng paraan ang gobyerno – partikular ang Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para obligahin ang regional, provincial, city at municipal clusters na paspasan ang pagbabakuna ng booster shots laban sa isang mutated COVID-19 strain na bagamat ‘di ganung kabagsik ay apat na ulit mas nakahahawa kumpara sa mga nagdaang anyo.
Ang dapat – ilapit sa mga komunidad ang bakuna, kasabay ng mainam na paliwanag sa kahalagahan ng bakunang nagbibigay proteksyon laban sa peligrong dala ng COVID-19. Angkop din marahil ang isang sinserong pakiusap ng mga lokal na opisyal sa kanilang nasasakupan.
Pinakamainam din kung ipatutupad nang buong higpit ang itinakdang minimum public health safety, kabilang ang patuloy na pagsusuot ng facemasks, ang pag-iwas sa matataong lugar, kalinisan ng paligid at siyempre pa – ang booster shot ng bakuna.
Isa lang ang tiyak, hindi na natin kakayanin ang isang pang lockdown.
156 