PRO HAC VICE Ni BERT MOZO
ANO bang klaseng religious group naman ‘yan, na nakabase sa Dasmariñas, Cavite?! Talaga bang ‘yung kamandag ni Padre Damaso ay nananalaytay pa talaga sa ugat ninyo?!
Nagbayad sa inyong itinakdang presyo ang paaralan para doon isagawa sa inyong venue ang graduation o pagmartsa ng kanilang magtatapos na mga estudyante, subalit anong ginawa ninyo?!
Binalahura ninyo ‘yung naturang event!
Ganda pa naman ng pangalan ng inyong grupo “The Church of God” pero ang asal ninyo, asal ng hindi lingkod ng Diyos!
Hindi ba kayo kinilabutan sa ginawa ninyong kawalanghiyaan, kinawawa ninyo ‘yung mga bata sa kanilang inasam-asam na graduation day?!
Mga bastos kayo! Wala kayong respeto sa inasal ninyo! Siguro ang namumuno sa grupong ‘yan eh may lahi ng mga may buntot at sungay!
‘Di man lang ba ninyo naisip na isa sa mga ipinapangaral ninyo ang mahalin ang kapwa tao at higit sa lahat ay ang Diyos?!
Eh bakit ‘yung isang nagtatalumpati sa naturang graduation day ay pinatayan ninyo ng kuryente dahil lang ba sa kanyang kasarian?
Baguhin n’yo na kaya ang pangalan ng inyong grupo baka maniwala pa ako na kayo nga ay hindi kalahi ni Damaso?! Mapagharing uri kayo! At Wala kayong puwang sa bansang ito!!!
Hindi pa kayo nasiyahan sa pag-off ninyo ng sound system at kuryente sa naturang graduation ceremony, aba’y pinaakyat pa talaga ng pamunuan ng “The Church of God” ang kanilang tauhan upang patigilin ang guest speaker ng Southern Philippines Institute of Science & Technology, sa kanyang pagtatalumpati at pinapaalis!
Kawalanghiya n’yo talaga! Nilabag ninyo ang karapatang pantao ng mga mag-aaral, dapat kayong makasuhan at mapasara dahil sa inyong kawalan ng respeto sa inyong kapwa!
Halos isang libong mga senior high na mga estudyante ang inyong binastos at ipinakita ang kagaspangan ng inyong samahan! At hindi lang ‘yan kabilang sa binastos ninyo ay ang mga magulang na nandoon upang masaksihan ang kanilang pangarap sa kanilang mga anak na makamartsa at makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Gayunpaman sa kabila ng kagaspangan ng pamunuan ng “The Church of God”, nakahahanga ‘yung guest speaker ng Southern Philippines Institute of Science & Technology na si Sass Rogando Sasot, na sa kabila ng pinatayan ito ng mic at ilaw ay matatag itong nagpatuloy sa kanyang pagbibigay ng inspirasyon para sa mga kabataang magtatapos.
At dahil na rin sa kagustuhan ng mga estudyante na maipagpatuloy ng kanilang guest speaker ‘yung kanyang talumpati ay inilawan nila ito ng kani-kanilang mga dalang cellphone at pinalakpakan nila ito nang paulit-ulit.
Salute sa mga estudyante ng Southern Philippines Institute of Science & Technology at sa inyong mga opisyal dahil hindi kayo nagpatinag sa kagaspangan ng mga pag-uugali ng pamunuan ng The Church of God.
197 