MAS pinaigting na pagbabantay na may kalakip na pulis sa bawat matataong lugar ang direktiba sa hanay ng pulisya bilang paghahanda sa nalalapit na kapaskuhan.
Giit ni Philippine National Police (PNP) director, General Guillermo Eleazar, tuloy-tuloy na ang kanilang pagbabantay sa malls, tourist spots, pamilihan at maging sa mga bahay sambahan sa hangaring tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa pinakamalaki at pinakamahabang pagdiriwang.
Aniya, inatasan na rin niya ang lahat ng hepe ng pulisya at mga unit commanders na paigtingin ang police visibility sa mga matataong lugar na saklaw ng kanilang nasasakupan lalo pa aniya’t karaniwang lumolobo ang bilang ng krimen sa dalawang huling buwan ng taon.
Pagtitiyak ng PNP chief, ‘di hahayaan ng PNP na makaporma ang mga kriminal sa kanilang masasamang plano. “Inaasahan natin na mas magiging aktibo ang masasamang loob ngayong mas marami na sa ating kababayan ang nakalabas at papalapit pa ang kapaskuhan. Sinisiguro ko sa publiko na hindi hahayaan ng ating kapulisan na makaporma itong mga nasa likod ng krimen sa lansangan,” pahayag ni Eleazar.
Paalala pa ng heneral sa publiko, alamin muna ang requirements bago bumisita sa mga pasyalan para maiwasan ang aberya lalo pa’t patakaran ng ilang mga lokalidad at maging ng mga pribadong establisimyento ang pagpipresenta ng vaccination cards habang ang iba naman ay patuloy pa ring hindi pinahihintulutan ang pagpasok ng mga bata. (JESSE KABEL)
