(JESSE RUIZ)
INIUTOS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng “maximum tolerance” kaugnay ng paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Miyerkoles, kasabay ng planong “Trillion Peso March.”
Sa pulong-balitaan, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na igagalang ng mga awtoridad ang karapatan ng mga grupong magpahayag ng saloobin, kahit may ilan umanong walang permit.
“We will respect their right to voice their concerns and their opinions. As usual, we will exercise maximum tolerance,” ani Remulla.
Naglabas din ng direktiba si PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng unit commanders na mahigpit na ipatupad ang maximum tolerance policy at makipag-ugnayan sa mga local government at event organizers.
Ayon sa PNP, plantsado na ang security framework para sa mga aktibidad sa People Power Monument sa Quezon City at iba pang freedom parks.
“Our goal is to make sure that all the planned activities will be peaceful and orderly,” diin ni Nartatez.
Samantala, aalalay ang Department of Justice (DOJ) at PNP upang tiyakin ang kaayusan sa mga rally. Ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez, naka-standby ang mga prosecutor para sa inquest kung kinakailangan.
Ipinatupad naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang “no permit, no rally” policy at nagdeploy ng 14,000 pulis sa Metro Manila.
Itinaas naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Red Alert status ang buong pwersa nito.
Ayon kay AFP Spokesperson Francel Margareth Padilla, ipinatupad ang Red Alert simula pa noong Pebrero 21.
Sa ilalim ng Red Alert, naka-standby ang buong pwersa ng militar, partikular ang AFP-National Capital Region Command, para sa anumang hindi inaasahang pangyayari. Kabilang dito ang kahandaan ng mga tauhan, kagamitan at agarang deployment kung kinakailangan.
Magsisilbing suporta ang AFP sa PNP, na pangunahing ahensyang responsable sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga pampublikong pagtitipon.
Sinabi ni Padilla na nananatiling handa ang militar na magbigay ng augmentation sa PNP kung hihilingin, alinsunod sa umiiral na operational procedures at inter-agency coordination.
Ayon sa Coalition Tindig Pilipinas, inaasahang aabot sa 30,000 katao ang dadalo sa pagtitipon.
“Hindi kami referee ng pulitika. Ang mandato namin ay seguridad. Demokrasya ang ipinagdiriwang at bahagi nito ang disiplina at paggalang sa batas,” ani Padilla.
Number Coding ‘Di Suspended
Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi suspendido ang number coding scheme ngayong Pebrero 25.
Isasara sa trapiko ang bahagi ng White Plains Avenue sa Quezon City simula Martes ng gabi para sa pagtatayo ng entablado para sa misa. Ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group Director Vic Nunez, magkakaroon ng counterflow palabas ng EDSA.
Pinayuhan ang mga dadalo na gumamit ng bus carousel o MRT dahil walking distance lamang ang People Power Monument mula sa Santolan at Ortigas stations. May concert din sa Centris area kaya inaasahan ang dagsa ng tao.
Feb. 25 Bilang Regular Holiday
Pinag-aaralan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang gawing regular holiday ang Pebrero 25 taun-taon bilang paggunita sa EDSA.
Ayon kay Claire Castro ng Presidential Communications Office (PCO), kailangang isumite ang bersyon ng panukala sa Pangulo upang ito’y maaksyunan.
Nauna nang inihain ni Akbayan Rep. Chel Diokno ang House Bill No. 7911 upang ideklarang regular holiday ang Pebrero 25.
Tamang Pasahod
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ituturing na Special (Working) Day ang Pebrero 25, 2026 alinsunod sa Proclamation No. 1006.
Paiiralin ang “no work, no pay” maliban kung may mas paborableng company policy o CBA.
Ang papasok sa trabaho ay tatanggap ng 100% ng sahod sa unang walong oras. Para sa overtime, may karagdagang 25% ng hourly rate.
Paalala ng DOLE sa mga employer at manggagawa na sundin ang itinakdang patakaran upang maiwasan ang paglabag sa labor standards.
(May dagdag na ulat sina JULIET PACOT/CHAI JULIAN/CHRISTIAN DALE/JOCELYN DOMENDEN)
1
