MAY BAYAD KAYA AYOS LANG BA?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAS marami pang sinasabi ang video ni Stella Salle tungkol sa content culture kaysa tinatawag nilang “humor.” Sa clip, makikitang tila nakainom siya habang hinihiram ang bisikletang kariton ng isang nagtitinda ng sorbetes. Ilang minuto lang ang lumipas, nawalan siya ng balanse at natumba. Natapon ang sorbetes. Napahinto ang hanapbuhay ng isang taong simpleng nagtatrabaho, lahat para lang may mai-post.

Mabilis ang naging reaksyon ng mga tao, at hindi iyon nakagugulat. Hindi props ang mga nagtitinda sa kalsada. Hindi laruan ang kanilang gamit. Ang kariton na iyon ay kabuhayan.

Bawat ikot ng gulong ay katumbas ng oras, pagod, at maliit na kita. Kapag minamaliit ito, mukhang biro lang sa video, pero mabigat ang tama sa totoong buhay.

Ang mas nakababahala, hindi na ito iisang kaso. Paramihan na ng content ang ganitong galawan. May mga vlogger at influencer na tila iniisip na pwedeng galawin ang kahit ano basta may camera. Ang mga nagtatrabaho, nagiging background na lang. Ang kanilang gamit, nagiging pampatawa. Ang kanilang pasensya, nagiging bahagi ng eksena. Sa ganitong pananaw, lahat ay pwedeng gawing content.

At kapag may pumuna, laging may sagot. Nagbayad naman daw. Parang sapat na iyon para burahin ang abala. Parang pwedeng ihinto ang trabaho ng ibang tao anomang oras, basta may kapalit. Pero kung may gumulo sa trabaho mo para lang kumita sila, hindi nagiging tama iyon dahil lang may bayad. Nagiging transaksyon lang ito kung saan mas mahina ang posisyon ng taong naghahanapbuhay.

Delikado ang ganitong pag-iisip. Itinuturo nito na pwedeng balewalain ang hangganan basta may pera. Na okay lang ang makaabala basta may kita. Sa ganitong lohika nagsisimula ang pag-abuso. Laging minamaliit ang pinsala dahil hindi naman sila ang apektado.

Mas lalong lumalala kapag ang kasunod ay mas marami pang content. Sa halip na malinaw na pananagutan, may dagdag na video. May filming ulit. Minsan pati AI generated na clip, na inuulit lang ang eksenang kinasangkutan ng parehong mga tao.

Ang nagtitinda, nagiging karakter. Ang aksidente, nagiging kuwento. Ang pagtulong, kinukunan at ina-upload. Una, ginulo ang tao para sa content. Pagkatapos, ginamit ang paggulo na iyon para ipakitang “mabuti” raw ang intensyon.

Hindi ito aksidente. Ganito gumagana ang mga platform. Mas pinag-uusapan, mas kumikita. Galit, engagement. Paghingi ng tawad, engagement. Paliwanag, engagement.

Live, engagement. Kahit batikos, nagiging puhunan. Unti-unting nawawala ang totoo, napapalitan ng palabas, dahil mas malaki ang kita sa palabas.

Hindi ko naman sinasabing sinasadya ng lahat na makasakit. Marami ang naniniwalang maingat sila. Sinasabi nilang babayaran ang nasira. Aakuin ang responsibilidad. Pero madalas, hanggang doon lang ang iniisip. Hindi na naiisip kung dapat bang galawin ang isang bagay sa simula pa lang.

May mga bagay na hindi dapat hinihiram para sa biro. Hindi dahil marupok ang mga ito, kundi dahil hindi ito pag-aari. Dahil may taong umaasa rito araw-araw. At kahit bayaran mo ang nasira, hindi mo na mababawi ang kaba, gulat, at imaheng nakatatak sa mga nakasaksi.

Maglilinis ang nagtitinda at magpapatuloy. Ganoon talaga ang mga nagtatrabaho. Pero sa mga nakapanood, mananatili ang eksena. Hindi dahil nakatatawa, kundi dahil ipinakita nito kung gaano kadaling gawing aliwan ang trabaho ng iba, at kung gaano kabilis tayong inaasahang tumawa at mag-scroll na lang.

19

Related posts

Leave a Comment