TATLO na ang naitalang kaso ng COVID-19 positive sa Navotas City, kinumpirma ng pamahalaang lungsod nitong Martes.
Ang pangatlong pasyente ay isang 58-anyos na nakatira sa Brgy. NBBS Dagat-dagatan.
Noong Marso 15 nang simulang ubuhin at lagnatin ang ikatlong pasyente, uminom siya ng gamot ngunit hindi pa rin umayos ang kanyang pakiramdam. Marso 27 nang magpakonsulta siya sa ating health center at Marso 29 nang makuhanan ng specimen.
“Sa pagitan noong Pebrero hanggang sa pagpunta niya sa health center, marami na po siyang napuntahang mga lugar sa Metro Manila. Ginagawa na po ng ating City Health Office ang contract tracing o inaalam ang mga nakahalubilo ng pasyente,” ayon kay Mayor Toby Tiangco.
“Ang tanong ko sa mga mahilig lumabas ng bahay kahit hindi kinakailangan, paano ninyo nasisigurado na hindi ninyo nakasalubong o nakasama ang pasyenteng tulad nito?” tanong ng alkalde.
Sa ulat noong Marso 30, ang lungsod ay may 125 PUMs habang 34 naman PUIs. (ALAIN AJERO)
359
