MAY PROBLEMA ANG NATIONAL ID PROJECT

NOONG Enero ng nakaraang taon kung kailan nasa kasagsagan ang pananalasa nang COVID-19, nakatanggap ako ng abiso mula sa Makati City Hall kung saan inaanyayahan ang mga residente ng lungsod para magpatala kaugnay ng programa para sa national ID.

Dahil maganda naman ang layunin ng programa ay agad akong nagpunta kasama ang isa kong anak sa city hall para magpatala.

Gaya ng inaasahan ay pumila kami at matapos kaming kuhanan ng aming personal details at ­maging ng larawan ay natapos ang proseso.

Pagkatapos noon ay sinabi ng staff ng Philippine Statistics Authority na siyang umasikaso sa amin, na matatanggap namin ang aming ID pagkaraan ng isa hanggang dalawang buwan.

Bagama’t medyo nababagalan ako sa tagal kung kailan ko maaaring makuha ang ID ay inisip ko na lang din ang mga benepisyo na maaari kong matanggap kapag nakuha ko na ang national ID na ito.

Base kasi sa press release ng Philippine Identification System (PhilSys) ay pagsasama-samahin na sa iisang ID card na lang ang iba pa na kinukuha sa gobyerno tulad ng PhilHealth, Pag-IBIG, SSS, at iba pa.

Bilang panimula ay nilaanan ito ng P4.1-B pondo ng nakaraang administrasyon ni Pangulong ­Rodrigo Duterte, bukod pa sa ­karagdagang P85-M na ibinigay naman sa LGUs para sa tinatawag na community -based monitoring at registration system.

Magagamit din kasi ang national ID na ito para mas mabilis makilala at mahatiran ng tulong ang mahihirap nating kababayan lalo na iyong nasa ilalim ng ­Pantawid Pamilyang Pilipino ­Program (4Ps) sa panahon ng mga kalamidad at kagipitan.

Pero sa kasamaang palad ay panay praise release lang pala ang mga sinabi ng PSA at ng ­PhilSys dahil palpak naman ang implementasyon nito dahil na rin sa kabiguan ng All Print, ang kinontratang printer ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na tuparin ang nasusulat sa kanilang kontrata.

Dahil alam ni Pangulong Bongbong Marcos ang kahalagahan ng national ID ay nagpahayag na siya ng pagkainip sa mabagal na pag-imprenta at pamamahagi nito.

Kaya naman naglabas siya ng marching order kamakailan kung saan ay sinabi niyang dapat ay maibigay na sa 33 milyong Pinoy ang kanilang mga ID sa susunod na taon.

Sa isang pahayag ay diretsahan niyang sinabi na malayong-malayo pa ang 12 milyon sa kanilang target para maumpisahan na ang digitalization ng pamahalaan.

“We’re up to 12 million, ah kulang na kulang pa iyon, and all of these things… we are going to digitize the bureaucracy. It all really depends on everyone having their own national ID,” sabi niya sa isang interview.

Kung mismong si PBBM na ang nagdeklara ng kahalagahan at pangangailangan upang maipamahagi na ang national ID sa maraming Pinoy, dapat naman ay sundin na ng mga kinauukulan ang utos niyang ito.

Pero hindi mangyayari ito kung palpak nga ang mismong naatasan na mag-imprenta ng ID.

Kaya ang unang dapat gawin ng mga kinauukulang mga opisyal sa pangunguna ni Finance Sec. Benjamin Diokno, ay palitan na ang nanalong printer at kumuha ng mas may kakayahang magampanan ang tungkulin na iniatas sa kanila.

Siyanga pala, hindi pa namin nakukuha ang national ID namin kahit halos dalawang taon na ang nakararaan.

At iyong ibang nakakuha naman na ay nagsasabi na hindi raw ito tinatanggap bilang proof ng mga bangko kabilang na ang Land Bank of the Philippines dahil sa ilang security flaws.
Palpak talaga!

225

Related posts

Leave a Comment